Filtered By: Showbiz
Showbiz

15th Congress expected to become star-studded


Lalo pang magiging star-studded ang papasok na 15th Congress dahil madadagdagan ng celebrities ang listahan ng mga mambabatas sa Senado at Kamara de Representantes matapos ang May 10 elections. Bukod kina re-electionist senators Ramon “Bong" Revilla Jr. at Jinggoy Estrada, inaasahan na rin ang pagbabalik sa Senado ni Tito Sotto, isa sa mga main host ng Eat Bulaga! Sa partial at unofficial tally na ginagawa ng GMANews.TV, nangunguna sa bilangan ng boto sa posisyon ng mga senador sina Estrada at Revilla. Nasa pang-siyam na puwesto naman si Sotto na natalo sa senatorial race noong 2007 elections. Nasa ika-11 puwesto naman si Lito Lapid na may 500,000 boto na kalamangan kay Teofisto Guingona na nasa ika-12 puwesto. Dahil marami pang election returns (ERs) ang hindi nabibilang, hindi pa matiyak kung “safe" na ang kalamangan nina Lapid at Guingona. Nakabuntot kina Lapid at Guingona sa ika-13 at ika-14 na puwesto sina Ana Hontiveros-Baraquel at Rozzano “Ruffy" Biazon. Mahigit isang milyon boto ang agwat ni Guingona kina Baraquel at Biazon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kung tatlong action stars at isang TV host-comedian ang uupo sa Senado, ang Kamara ay magkakaroon naman ng “dancing queen" at “boxing icon." (Basahin: Celebs in 2010 polls: Whose stars shine on ballots?)
Naiproklama na bilang kinatawan ng 4th District ng Leyte si Lucy Torres-Gomez, asawa ni Richard Gomez. Si Lucy ang naging kapalit ni Richard bilang kandidato matapos siyang madiskuwalipika dahil sa residency status. Panalo rin sa ikalawang subok sa pulitika ni Pinoy boxing hero na si Manny Pacquiao, na magiging kinatawan sa Kongreso ng mga residente sa lone district ng Saranggani. Nanalo namang kinatawan ng 2nd District ng Cavite si Lani Mercado-Revilla, asawa ni Sen Bong Revilla. Balik Kongreso din ang dating aktor na si Dan Fernandez, na asawa ng dating sexy star na si Shiela Israel. Nandiyan din si dating Unang Ginang Imelda Marcos na muling magiging kinatawan ng Ilocos Norte. Habang malaki rin ang kalamangan sa kalaban ni Manay Gina de Venecia, na papalit sa puwesto ng kanyang asawa na si dating Speaker Jose de Venecia sa Pangasinan. Ilan sa mga celebrities na tumakbo sa posisyon bilang senador ngayong eleksiyon pero malabo nang manalo ay sina Jukebox Queen Imelda Papin, television host na si Gilbert Remulla, radio brodkaster na si Rey Langit at TV reporter na si Alex Tingsay. - FRJ, GMANews.TV