Filtered By: Topstories
News

JPE kay Noynoy: ‘Di ka pa presidente para mag-utos’


MANILA – Pinangaralan ni Senate President Juan Ponce Enrile si leading presidential candidate Senator Benigno “Noynoy" Aquino III na hindi pa siya ganap na presidente para mag-utos sa kasalukuyang administrasyong Arroyo. Ang pahayag ay ginawa ni Enrile kaugnay sa pagkakapili ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Supreme Court (SC) Associate Justice Renato Corona bilang kapalit ng magreretirong si Chief Justice Reynato Puno sa Mayo 17. Sinabi ni Enrile na wala pang kapangyarihan si Aquino na utusan si Gng Arroyo na bawiin ang paghirang nito kay Corona dahil sa katapusan pa ng Hunyo matatapos ang termino ng kasalukuyang lider. “Imposible ang kahilingan ni Sen. Aquino na bawiin ni Pangulong Arroyo ang pagkakatalaga kay Corona dahil hindi ito naayon sa itinakda ng Saligang Batas," pahayag ni Enrile, kasama sa mga nangunguna sa bilangan ng mga senatorial candidates. “Saka wala pa siyang (Aquino) kapangyarihan na utusan ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Arroyo dahil hindi pa siya nakaupo bilang bagong Pangulo ng bansa," idinagdag ni Enrile. Sa labanan ng pagkapangulo, halos limang milyong ang kalamangan ni Aquino sa pumapangalawang si dating pangulong Joseph Estrada, na kaalyado ni Enrile. Iginiit ni Enrile na alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas, may kapangyarihan pa si Arroyo na magtalaga ng bagong punong mahistrado dahil magtatapos ang termino nito at ang naturang desisyon ay nauna nang kinatigan ng SC. Kung tutuusin, dapat magpasalamat pa umano si Aquino kay Arroyo sa pagkakatalaga kay Corona dahil maiiwasan ang vacuum sa Hudikatura, ayon kay Enrile. Sakaling hindi magtalaga ng chief justice si Arroyo, sinabi ni Enrile na hindi rin maaaring maghirang si Aquino ng kapalit ni Puno kapag naupo na siya sa Malacanang sa Hulyo 1 dahil lilitaw na walang chairman ang Judicial Bar Council na siyang nagrerekomenda ng papalit na chief justice. "Si Chief Justice Puno pa rin ang tumatayong ex-officio chairman ng Judicial and Bar Council na siyang pumipili, sumasala at nagtatalaga ng susunod na chief justice alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas, “ paliwanag ng senador. “Magiging problema pa ng susunod na Pangulo ang pagtatalaga dahil walang tumatayong ex-officio chairman ng JBC kapag hindi naitalaga ang bagong punong mahistrado at ipinagbabawal sa Saligang Batas na magtalaga ng bagong chief justice kung walang ex-officio chairman ang JBC," idinagdag ng lider ng Senado. Una rito, sinabi ni Aquino na hindi niya kikilalanin ang sinumang itatalagang chief justice ni Arroyo dahil bawal sa batas na magtalaga sa anumang puwesto sa pamahalaan sa panahon ng kampanya. Ngunit batay sa naging desisyon ng SC hindi saklaw ng ban ang pagtatalaga ng pangulo sa mga opisyal na nasa Hudikatura. - GMANews.TV