Filtered By: Topstories
News

Gov Nantes naglabas ng hinanakit, nagpatawad bago nasawi


Naglabas ng hinanakit at magpatawad sa mga nagkasala sa kanya sa katatapos na halalan si Quezon governor Rafael “Raffy" Nantes bago ito pumanaw noong Lunes sanhi ng aksidente. Sa video footage na nakalagay sa web site ng gobernador, makikita ang huling talumpati ni Nantes sa flag raising ceremony sa Quezon National High School ilang sandali bago maganap ang trahedya. Mababakas sa mukha ng gobernador ang magkahalong lungkot at sama ng loob kaugnay sa naging resulta ng naganap na kampanya pati na ang pagtalikod sa kanya ng ilang kasamahan. Sa panimula ng kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Nantes ang dahilan ng pagsuot niya ng polo na kulay pula na naging marka niya sa panahon ng kampanya. "Nagsuot po ako ng kulay pula, sapagkat ang gusto ko po ay nasa fighting mood po tayo, sapagkat marami pa po tayong gagawin dito sa lalawigan ng Quezon," ayon kay Nantes, na naging treasurer ng Liberal Party (LP). Si Nantes ay natalo sa kanilang rematch ni administration gubernatorial candidate David Suarez, anak ni reelected Quezon Rep. Danilo Suarez (3rd District). Sumunod na ipinakita naman ni Nantes ang kulay dilaw na boler ID na nasa kanyang kamay na simbulo ng kanyang partido na LP. “May nakikita sa akin dilaw na ang talagang ibig sabihin ay yung mga nagkasala sa akin ay pinatawad ko na sa araw na ito," ayon sa gobernador. Si Nantes, kasama ang apat na iba pa ay nasawi noong Lunes ng hapon matapos bumagsak ang sinasakyang helicopter.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Naging malaking usapin sa kampanya sa Quezon ang pagkikipag-alyansa kay Suarez, opisyal ng Lakas-Kampi-CMD, nina Reps Lorenzo “Erin" Tanada (4th District) at Proceso Alcala (2nd District), na pawang kapartido sa LP ni Nantes. Tumakbong bise gobernador ni David Suarez at nanalo si Vicente Alcala, kapatid ni Rep. Alcala. Nang pataubin ni Nantes si David sa una nilang sagupaan noong 2007 elections, nasa panig niya sina Alcala at Tanada. Ngunit bukod sa pagtalikod sa kanya ng mga kapartido sa LP, naglabas din ng hinanakit si Nantes sa umano’y ginamit na black propaganda sa nila ni LP presidential bet Benigno “Noynoy" Aquino III, na lumabas sa araw mismo ng halalan noong Mayo 10. Naglabas ng hinanakit si Nantes sa mga pahayagan na naglathala tungkol sa ginawang raid ng Presidential Anti-Smuggling Group sa Icolog Island sa Quezon kung saan mayroon umanong nakumpiskang sangkap sa paggawa ng illegal na droga. Aniya, inilabas ng mga pahayagan ang artikulo na hindi kinuha ang kanyang panig at hindi inalam ang katotohanan sa naturang pagsalakay. Pinalagan din niya ang pagpapahiwatig na nagbibigay siya ng “drug money" sa kampanya ni Aquino na matalik na kaibigan. Ngunit isang araw pagkalipas ng eleksiyon (Mayo 11), itinanggi ng PASG na may nakuha silang mga kemikal sa naturang isla at nilinis ang pangalan nina Nantes at Aquino sa mga naglabasang alegasyon na nagsasangkot sa kanila sa ilegal na droga. “Kitang-kita ko po na ito'y grand design para siraan si Noynoy Aquino at si Gov Raffy Nantes dahil alam nila na si Raffy Nantes ay matalik na kaibigan ni Noynoy Aquino. 'Pag nasira si Noynoy Aquino masisira si Raffy Nantes o 'pag nasira si Raffy Nantes masisira si Noynoy Aquino," paliwanag niya. Bukod sa mga lehitimong pahayagan na naglabas ng ulat tungkol sa operasyon ng PASG, tinukoy din ni Nantes ang biglang pagsulpot ng isang pahayagan na ang pangalan at katunog ng isang kilalang tabloid. Sinabi ng gobernador na ginamit ang naturang pahayagan upang ikalat sa buong lalawigan ang pagsalakay ng PAGS sa Icolog Island upang gamiting black propaganda laban sa kanya. Bagaman hindi nagbanggit ng pangalan, sinabi ni Nantes na alam ng publiko kung sino talaga ang mga tunay na sangkot sa ilegal na droga sa lalawigan. “Nakakalungkot ito ang klase ng pulitika na umiiral sa lalawigan ng Quezon at alam natin kung sino ang sangkot dito at sino may kagagawan sirain ang dangal at pagkatao ng inyong gobernador," pahayag niya. - GMANews.TV