Filtered By: Topstories
News

Salitang ‘noted’ sa canvassing ng Kongreso nais ipagbawal ni Pimentel


MANILA – Nais ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na ipagbawal sa gagawing canvassing sa boto ng mga kandidatong presidente at bise presidente ang pagbigkas ng salitang “noted" na naging pamilyar noong 2004 presidential elections. “We should not only ban (the use of) ‘noted.’ The one using that word should be exiled to Timbuktu, wherever it is," pahayag ni Pimentel nitong Miyerkules. Nakatakdang umupo ang mga lider ng Kamara de Representantes at Senado bilang National Board of Canvassers (NBC) sa Mayo 31 para bilangin ang boto ng mga kandidato sa posisyon ng presidente at bise presidente. Ang NBC na rin ang magpoproklama ng mga mananalo at susunod na pangulo at pangalawang pangulo ng bansa na manunungkulan hanggang 2016. Sa isinagawang canvassing ng NBC noong 2004 elections, namarkahan si Sen Francis “Kiko" Pangilinan bilang “Mr Noted," dahil sa ilang ulit nitong pagbigkas sa naturang salita sa bawat argumento ng kampo ng oposisyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Dating kaalyado ng administrasyon ang Liberal Party na kinaaniban ni Pangilinan nang gawin ang canvassing noong 2004. Natalo ang pambato ng oposisyon na si Fernando Poe Jr., laban sa manok ng administrasyon na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit naging kontrobersiyal ang resulta ng 2004 presidential polls dahil sa mga alegasyon ng dayaan. ‘Hocus-PCOS’ Kasabay nito, pinayuhan ni Pimentel ang bawat kampo ng mga kandidatong pangulo at pangalawang pangulo na ihanda ang mga katibayan na magpapatunay na nagkaroon ng dayaan sa kauna-unahang automated elections sa bansa. “Dapat maging handa ang sinumang kandidato sa panguluhan at pangalawang panguluhan na nagsasabing nadaya sila at makapaghanin ng mga ebidensiya upang matugunan ng Kongreso ang kanilang reklamo," ayon sa senador. Kamakailan ay isang lalaki na nagpakilalang “operator" sa katatapos na halalan ang nagbunyag na minaniobra nila ang resulta ng halalan sa pamamagitan ng “pag-hack" sa electronic server na nagpapadala ng resulta ng boto. May mga alegasyon din na mayroong mga ipinagbiling pre-programmed Compact Flash (CF) cards kung saan nakalagay na umano kung sino ang mga kandidatong makikinabang sa mga boto. Ang CF card ang nagsisilbing utak ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na nagbabasa sa mga boto sa balota. (Basahin: May 10 elections na-‘hokus PCOS’ – Erap camp) Kaagad namang pinabulaanan ng Commission on Elections ang mga alegasyon at iginiit na hindi maaaring mamaniobra ang resulta ng mga boto sa makina. Inirekomenda ni Pimentel na magkaroon ng manual recount ang Comelec sa mga boto upang mapawi ang pagdududa ng publiko sa kauna-unahang automated elections sa bansa. “Kung matapat na maisasagawa (ang manual recount), mapipigilan nito ang anumang protesta sa halalan na siyang maaaring humati muli sa ating bansa," ayon kay Pimentel. - GMANews.TV