Filtered By: Topstories
News

Diskwalipikasyon laban sa nangungunang party-list group, isinampa


Isang kaso ng diskwalipikasyon ang isinampa sa Commission on Elections (Comelec) laban sa nangungunang party-list group na Ako Bicol Political Party, dahil wala raw itong kinakatawang marginalized na sektor. Hiniling ang pagdiskwalipika sa Ako Bicol dahil binubuo ito umano ng mga mayamang negosyante na nakisakay sa mga hinaing ng mga maralitang taga-Bicol, ayon sa mga nagpetisyon, sa 18-pahinang mosyon na isinampa nila nitong Miyerkules. Kabilang sa mga nagpetisyon sina Marites Corteza-Lopez, Mae Ann Michelle Villagomez, Michael Malano, Ferdinand Gaite at Alexander Remollino Ayon sa lima, sila raw ay nagsusulong ng malinis na halalan. Sinabi rin nina Corteza-Lopez at Villagomez na sila ay tubong-Bicol. Si Gaite naman ay pangulo ng Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), na kasaping organisasyon din ng election watchdog na Kontra Daya. "If the marginalized and the underrepresented poor will be represented in Congress by the overrepresented rich, would it not add more to their underrepresentation rather than alleviate it?" anila sa petisyon. Ayon sa mga nagpetisyon, binuo ang Ako Bicol ng “napakayamang" pamilya nina Elizaldy at Christopher Co, na mga may-ari ng Sunwest Group of Companies, Tektone Corporation, Lo-Tone Corporation at Hi-Tone Corporation. Si Elizaldy ang tagapangulo ng Ako Bicol habang si Christopher naman ang una nitong nominado. Dagdag pa ng mga nagpetisyon, si Rodel Batocabe, ang ikalawang nominado ng grupo, ay corporate officer ng Embarcadero, isang lifestyle hub, commercial, at entertainment center sa Legazpi City, Albay. Ang ikaapat nitong nominado, si Ronaldo Ang, ay naiulat namang vice president for legal ng Sunwest Group of Companies. "It must be protested to high heavens the fact that Ako Bicol... is feigning to be representing the marginalized and underrepresented sectors. Allowing (the party) to exist as a party under the party-list sytem representation indeed allows the party-list system to be sullied, desecrated, debased, and prostituted by those who are neither marginalized nor underrepresented," saad ng mga nagpetisyon. Sinubukang makipag-ugnayan ng GMANews.TV sa mga kinatawan ng Ako Bicol subalit hindi sila nakausap. Ayon sa pinakahuling tala ng mga boto para sa party-list na inilabas ng Comelec, ang nangungunang mga grupo ay ang Ako Bicol na may 1,522,986 boto; ang Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines na may 1,292,182 boto at ang Buhay Hayaan Yumabong Party-lits na may 1,249,555 boto. Ayon sa batas hinggil sa party-list, magkakaroon ng isang kinatawan sa Kongreso ang mga grupong makakukuha ng hindi bababa sa dalawang porsyento ng kabuuang bilang ng mga boto para sa party-list system, habang may karagdagang kinatawan naman ang mg grupong makakukuha ng higit sa dalawang porsyento, batay sa kabuuang bilang ng mga botong kanilang nakuha. Gayunpaman, hindi hihigit sa tatlong kinatawan sa Kongreso ang maaaring makuha ng bawat party-list group. Nakasaad sa Konstitusyong 1987 na 20 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kasapi ng Kongreso ang nararapat mapunta sa sektoral na mga kinatawan.—JMA/JV, GMANews.TV