Filtered By: Topstories
News

Neri, Abalos, sabit sa NBN-ZTE deal ayon sa Ombudsman


Pinanindigan ng Office of the Ombudsman ngayong Miyerkules ang pagkakadawit ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) director-general Romulo Neri at dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos sa nabasurang NBN-ZTE deal na nagkakahalaga ng milyun-milyon. Sa 16 na pahinang joint order, kinatigan ng Ombudsman ang resolusyon nito noong Abril 21, 2009 na nagmumungkahing sampahan ng mga kasong pangungurakot sina Neri at Abalos kaugnay ng $329-milyong proyektong national broadband network (NBN) na pinasok ng pamahalaang Arroyo kasama ang Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. ng Tsina noong April 2007. Ipinatigil ni Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo noong Setyembre 2007 ang kontrata, na naglalayon umanong pagbutihin ang komunikasyon ng mga ahensya ng gobyerno, matapos lumitaw ang mga ulat ng panunuhol hinggil sa kontrata. Mga pagtanggi Sa joint order nito, malinaw na ibinasura ng Ombudsman ang hiwalay na mga apelang isinampa nina Neri at Abalos bilang umano’y “mga hungkag na pagtanggi" lamang. Kinatigan din ng parehong order ang pasya ng Ombudsman na ipawalang-sala sina Pangulong Arroyo at ang kanyang asawa, si First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo. Ibinasura rin ng Ombudsman ang motion for reconsideration na isinampa ng abugadong si Harry Roque na naglalayong isama ang pangalan ni Pangulong Arroyo sa charge sheet. Idinahilan ng Ombudsman ang immunity ng kasalukuyang pangulo mula sa mga kaso. Si pangkalahatang Deputy Ombudsman Orlando Casimiro ang nag-isyu ng order sa ngalan ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, na nag-inhibit sa kaso dahil malapit siya kay G. Arroyo. Magkaklase sina Gutierrez at G. Arroyo sa Ateneo Law School. Pagsuspinde kay Neri Sa pagtaguyod nito sa naunang resolusyon, binigyang-daan din ng Ombudsman ang agarang pagsuspinde kay Neri bilang pangulo ng Social Security System (SSS) nang anim na buwan na walang sweldo. Noong Nobyembre 2009, ipinawalang-bisa ng Court of Appeals ang pagsuspinde kay Neri sa bias ng motion for reconsideration na inihain niya sa Ombudsman. Binigyang-pahalaga ng Ombudsman ang mga testimonya ng mga whistleblower na sina Rodolfo "Jun" Lozada Jr. at Jose de Venecia III, anak ni Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr., na direktang nagsangkot kina Abalos at Neri sa nabasurang broadband deal. Sa mga pagdinig ng Senado sa kaso, inakusahan ni Lozada si Neri ng pakikialam sa proyekto. Si Lozada ay dating technical consultant ng NEDA sa ilalim ni Neri noong panahong inaayos ang kasunduan. Samantala, pinanindigan naman ni De Venecia III na nag-alok si Abalos ng mga suhol kay Neri upang tiyaking matuloy ang kasunduan. Nagbitiw si Abalos sa Comelec noong Oktubre 2007 dahil sa kontrobersiya. Noong nakaraang taon, iminungkahi ng Senate blue ribbon committee ang pagsampa ng mga kaso ng pangungurakot laban kina Pangulong Arroyo, Neri at Abalos dahil sa may kinalaman umano sila kontrobersiyal na kasunduan.—JMA/JV, GMANews.TV