Filtered By: Topstories
News

‘Di si Arroyo: Lagman ikakasa ng Lakas-Kampi sa speakership


MANILA – Nagdesisyon na umano ang partidong Lakas-Kampi-CMD na hindi isasabak sa labanan ng Speakership sa Kamara de Representantes si outgoing President Gloria Macapagal Arroyo, na nanalong kongresista ng Pampanga. Sa halip, napagdesisyon umano sa isinagawang caucus sa Club Filipino sa San Juan City nitong Biyernes ng umaga at dinaluhan ng may 35 kongresista, na ipalit kay Arroyo bilang pambato sa speakership fight si Albay Rep. Edcel Lagman. Sakaling manalo, napagkasunduan din umano na magkaroon ng term-sharing sa posisyon ng Speaker sina Lagman at Quezon Rep. Danilo Suarez. Si Suarez ang mamumuno sa Kamara sa ikalawang bahagi ng susunod na Kongreso. "Lakas Kampi will field me as their candidate for Speaker," ayon kay Lagman sa panayam sa telepono. "Congressman Suarez proposed term-sharing and I agreed to his proposal to preserve the unity of the party." Sinabi ni Lagman na igagalang umano ng partido ang desisyon ni Gng Arroyo na maging karaniwang mambabatas at tularan ang ginawa ni Sonia Gandhi na palakasin na lamang ang partido. Si Gandhi ay biyuda ni Indian Prime Minister Rajiv Gandhi na siyang namuno sa kanilang partido nang paslangin ang kanilang Punong Ministro noong 1991. Ayon kay Lagman, nananatiling tagapangulo ng partido si Gng Arroyo kaya inaasahan nila ang suporta nito sa kanilang laban na makuha ang liderato sa Kamara. Posibleng makalaban ni Lagman sa speakership si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte, outgoing mayor ng Quezon City, at napiling pambato ng Liberal Party. Kumpiyansa si Lagman na makukuha nila ang pinakamataas na puwesto sa Kamara dahil sa mahigit 100 kongresista na nanalo sa kanilang partido nitong nakaraang eleksiyon. Bukod pa rito, inaasahan nila na makukuha ang suporta ng mga mambabatas mula sa Nacionalista Party, Nationalist People's Coalition, at party-lists. Sakaling mabigo silang makuha ang puwesto ng Speaker, at maging lider na lamang ng minorya, sinabi ni Lagman na ipatutupad pa rin nila ang napagkasunduang term-sharing ni Suarez. Sinabi ni Lagman na ang pulong sa Club Filipino ay pinamunuan ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, at kabilang sa dumalo si Negros Occidental Rep. Ignacio "Iggy" Arroyo, bayaw ni Gng Arroyo. - GMANews.TV