Filtered By: Topstories
News

Nograles sa ‘di pagpasa ng Freedom of Info bill: ‘I’m sorry’


MANILA – Idinaan ni Speaker Prospero Nograles sa tila pagkanta ang paghingi ng paumahin sa publiko sa kabiguan nitong maratipikahan ng Kamara de Representantes ang kontrobersiyal na Freedom of Information (FOI) bill dahil sa kawalan ng quorum. “I did my best. But I guess my best wasn’t good enough," pahayag ni Nograles sa media matapos ideklara ang pagtatapos ng ika-14 na Kongreso nitong Biyernes dakong 5:04 p.m. Kapus ng pitong kongresista ang attendance ng Kamara para makakuha ng quorum at makapag-apruba ang kapulungan ng mga nakabinbing panukalang batas. Upang maideklara ang quorum, kailangan ang “majority plus one" sa kabuuang 268 na kongresista o katumbas ng 135 mambabatas. Ngunit umabot lang sa 128 kongresista na dumalo sa huling araw ng sesyon ng Kongreso. “There is nothing I can do, but to bang the gavel, there is no quorum, that’s the rules," pahayag ni Nograles Jr. na nagpahayag ng pagkadismaya sa kawalan ng quorum. “I have done everything I could, I called and texted everybody to come, everybody has been asked to be here," paliwanag niya. Marami rin umano sa mga may-akda at co-author ng FOI bill ay hindi sumipot sa sesyon. “I have not expected this to happen especially because many of the authors were not present. If the authors and co-authors (of the bill) would have been enough to sustain the quorum…this is beyond my control. I’m sorry," ayon pa kay Nograles. May 180 kongresista ang nakapirma bilang author at co-author ng panukala. Kabilang ang FOI bill sa tatlong panukalang batas na inilagay sa order of business ng House Rules Committee sa huling araw ng sesyon sa pag-asang mararatipikahan ito. Napuno rin ng mga taong sumusuporta sa FOI bill ang gallery ng kapulungan na kinabibilangan ng ilang kasapi ng media industry. Nagawa pang mabasa ang titulo ng FOI bill nang magsimula ang sesyon dakong 3:27 p.m. Ngunit natigil din ito nang kuwestiyunin ni Camiguin Rep. Pedro Romualdo ang quorum at maging daan sa pagtawag ng roll call. Dito na nakitang kulang ang bilang ng mga mambabatas para magkaroon ng quorum. Iminungkahi pa ni Cibac party-list Rep. Joel Villanueva kay Nograles na iutos na dakpin ang mga kasamahang wala sa kapulungan upang mabuo ang quorum. “Let’s arrest them you honor, enforce the rules," ayon kay Villanueva na kabilang sa may-akda ng panukala. "How can we say we are the House of the people if we cannot even do our job?" Maging si Manila Rep. Bienvenido Abante, may-akda ng panukala, ay nadismaya at nag-walk-out, nang hindi pumayag si Romualdo na bawiin ang ginawa nitong pagkuwestiyon sa quorum. Iginiit ni Romualdo na hindi dapat pumayag ang Kongreso na magpa-pressure upang aprubahan ang panukala. Sinabi ni Abante na siyam na taon nang nakabinbin sa Kongreso ang naturang panukalang batas. Layunin ng FOI bill na maobliga ang pamahalaan na maging bukas sa publiko sa mga pinapasok na kontrata at mga transaksiyong ginawa nito. - GMANews.TV