Filtered By: Topstories
News

Pinoy medical workers sa Jeddah humingi ng tulong sa konsulado


JEDDAH, Saudi Arabia – Nagtungo sa Philippine Labor Office sa konsulado ng Pilipinas ang may 80 Pinoy na nagtatrabaho sa Al Ansar Hospital sa bansang ito kamakailan para humingi ng tulong at makuha ang kanilang mga dokumento sa kanilang employer. Isinumbong nila kay Philippine Labor Attaché Vicente Cabe na ayaw pa rin umanong ibigay ng kanilang employer ang kanilang mga dokumento tulad ng pasaporte at residence permit kahit may order na nagmula sa Saudi Labor court na nagsasaad na maaari na silang makapagtrabaho sa ibang hospital. Reklamo nila, hindi sila makalipat ng papasukang ospital dahil wala silang maipakitang dokumento na bahagi ng kanilang aplikasyon. Bukod dito, hindi umano pinapayagan ng mga guwardya sa ospital ang mga kababaihan na umalis sa kanilang tinutuluyan kapag nakitang may hinahakot na personal na mga gamit. Bagaman nakikisimpatya sa mga kababayang manggagawa, sinabi ni Cabe na wala silang awtoridad at hindi nila pwedeng puwersahin ang Al Ansar Hospital kung ayaw ibigay ang kanilang mga dokumento dahil sila ay nasa ibang bansa. Gayunman, kinuha ni Cabe ang listahan ng mga manggagawang may mga lilipatan ng trabaho para mai-report sa labor office at magawan ng aksiyon para makuha ang kanilang mga dokumento. Ayon kay Cabe, nagpalabas ng desisyon ang Saudi Labor na maaaring tumigil sa pagtatrabaho ang mga Pinoy workers sa Al Ansar dahil mahigit apat na buwan na silang hindi pinapasod ng ospital. Ang 80 medical workers ay kabilang sa mahigit 200 manggagawang Pinoy sa Al Ansar Hospital na nagsampa ng kaso kamakailan sa Saudi Labor Court sa tulong ng Philippine Overseas Labor Office. Hiniling nila na makuha ang kanilang mga unpaid salaries na aabot na sa anim na buwan bukod pa sa kanilang mga end of service benefits na ang karamihan ay matagal nang nagtatrabaho sa nabanggit na hospital. Dahil ilang buwan ng hindi sumasahod, umaasa sila sa tulong ng mga kapwa OFWs sa Jeddah katulad ng Philippine Nurses Association, Kapit-Bisig, POLO-OWWA, at mga indibidwal na nagbibigay ng mga pagkain at iba pa nilang pangangailangan. Sinabi ni Cabe na ilang beses na umanong humingi ng palugid ang Al Ansar para mapasahod ang kanilang manggagawa pero hindi rin daw ito natutupad. Ang kanilang kaso ay kasalukuyan ng iniimbestigahan ng komite na binuo ng Office of the Governor at ilan sa mga Pinoy medical workers ay pinayagan ng makapagtrabaho sa ibang pagamutan. May mga manggagawa rin na nagdesisyon na umuwi na lamang sa Pilipinas habang hinihintay ang resolusyon sa kanilang kaso na kakatawanin ng Labor Office ng Konsulado. Dumating din kamakailan sa Jeddah ang may-ari ng Anchor Manpower Int’l Services Inc. para tumulong sa mahigit 50 manggagawa na kanilang ipinadala sa Al Ansar. Sinabi ng may-ari ng ahensiya na si Oscar Garcia na sinubukan na nilang makipagpulong sa pamunuan ng ospital kasama ang POLO ngunit hindi sila hinarap ng pamunuan ng pagamutan. Magkahalo naman ang pananaw ng mga Pinoy medical worker matapos ang pakikipagpulong nila kay Cabe. Ilan sa kanila ang nawawalan ng pag-asa at mayroon ding kontento sa naging pahayag ng labor attache.’ Ayon kay Gem Baldomino, isang nurse, wala siyang nakikitang direksyon ang mga utos ng Labor Attache katulad sa pagkuha ng kanilang pasaporte na lagi na lang umanong ipinapasa sa ibang ahensiya. Ngunit para kay Leo Ragas, nabuhayan siya ng pag-asa matapos makausap si Cabe at batid umano niyang mahirap makipag-usap sa may-ari ng ospital. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV

Tags: ofwsinsaudi, ofws