Filtered By: Topstories
News

Nagpanumpa kay Arroyo noong 2001: Davide napili para sa ‘Truth Commission’


MANILA - Itinalaga ni President-elect Benigno “Noynoy" Aquino III si dating Supreme Court chief justice Hilario Davide na pamunuan ang itatatag na “Truth Commission" na magsisiyasat sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ng papaalis na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. "We are establishing the Truth Commission under former Chief Justice Hilario Davide [Jr.]... to put closure on many issues, to ensure that those who committed crimes against the people will pay," pahayag ni Aquino nitong Martes. Matatandaan na si Davide ang nagpanumpa kay Arroyo noong 2001 sa EDSA Shrine sa Mandaluyong City nang mapatalsik sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada. Nang matapos ang termino bilang chief justice, hinirang naman ni Arroyo si Davide na kinatawan ng Pilipinas sa United Nations (UN). Nagbitiw si Davide sa naturang puwesto nitong eleksiyon para tulungan ang anak na tumakbong gobernador sa Cebu sa ilalim ng Liberal Party. Tiniyak ni Aquino na magiging indepedyente ang komisyon na pamumunuan ni Davide upang alamin ang katotohanan sa lahat ng kontrobersiyang kinasangkutan ni Arroyo. Magtatapos ang termino ni Arroyo sa Miyerkules, at simula sa Huwebes ay opisyal na siyang magiging kinatawan ng Pampanga sa Kamara de Representantes. Kabilang sa mga kontrobersiyal na usapin na nasangkot si Gng Arroyo ay ang “Hello, Garci" scandal; ang P728-milyong fertilizer fund scam; at ang $329-milyong national broadband project. Iniulat na tinanggihan ni Vice President-elect Jejomar Binay ang alok ni Aquino na siya ang mamuno sa komisyon na magsisiyasat kay Arroyo bago ito napunta kay Davide. Papanagutin sa atraso Iginiit naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na dapat papanagutin ng bagong administrasyon si Arroyo sa mga ginawa umano nitong kasalanan sa mamamayang Pilipino. Sinabi ng senador na hindi dapat makaligtas si Arroyo sa paglilitis sa mga ibinibintang na katiwalian at anomalyang naganap sa panahon ng kanyang panunungkulan. “Kung ipagsasakdal natin si Mrs. Arroyo, maitutuwid nito ang lahat ng pagkakamali sa ating kasaysayan at magiging sanggalang sa mga tiwaling lider sa hinaharap," ayon sa nakapiit na senador. Kahit nanalo noong 2007 elections, nananatiling nakapiit si Trillanes sa Camp Crame Custodial Center sa Quezon City dahil sa kasong rebelyon bunga ng pagkakasangkot sa Oakwood mutiny at pagkubkob sa The Peninsula Hotel sa Makati. - GMANews.TV