Filtered By: Topstories
News

Sikat na aktor na pumanaw sa karerahan


Kabilang siya sa hanay ng mga pinakasikat na action star sa Philippine movies, kilala niyo ba kung sino ang sikat na aktor na pumanaw matapos atakihin sa puso sa isang karerehan ng kabayo sa Sta. Ana noong 1968?

Larawan ni Efren Reyes Sr. mula sa wed site ng movieindustryblogspot.com
Si Efren Reyes Sr., ama ng batikang aktor na si Efren Reyes Jr., ay sumikat sa industriya ng pelikulang Pilipino noong dekada 50 hanggang sa panahon ng kanyang pagpanaw noong Pebrero 1968.

Bukod sa mga parangal sa FAMAS, isa sa mga prestihiyosong karangalan na nakuha ni Efren Sr., ay nang tanghalin siya bilang Asian Film Festival's Best Actor noong 1955 sa pelikulang "Ifugao."

Sinasabing si Efren Sr., ang nagpauso ng mga “cowboy" films sa Pilipinas na noong una ay hindi umano inaasahang tatangkilikin ng mga manood na Pinoy. Ngunit nang pumatok sa takilya, nagsunuran na sa uso ang iba.

Ngunit isang gabi noong Pebrero 1968, sinasabing palabas na sa Sta Ana race tracks (na dating sakop ng Makati, Rizal), si Efren Sr. nang atakihin siya sa puso.

Sa ulat na lumabas sa The Manila Chronicle noong Peb 12, 1968, sinabing dinala sa first aid station ng karerahan si Efren Sr. upang lapatan ng paunang lunas bago inilipat sa St. Anne’s Hospital sa Del Pan Street sa Sta. Ana, kung saan idineklara siyang dead on arrival.

Batay umano sa mga nakalap na impormasyon, pinapaniwalaan na malaki ang tinamaan ni Efren Sr., sa tinayaan nitong daily double race na may dibidendo na P13,700.50 sa bawat P1 taya.

Si Efren Sr. ay pumanaw sa murang edad na 44. Naulila niya ang asawang si Virginia Montes, na dati ring aktres, at lima nilang anak kabilang si Efren Jr. - FRJimenez, GMANews.TV
Tags: pinoytrivia