Filtered by: Topstories
News

Barangay polls sa darating na Oktubre, pinapaurong sa 2012


MANILA – Isusulong ng mga kaalyado ng Lakas-Kampi-CMD sa Kamara de Representantes na ipagpaliban ang nakatakdang halalang pambarangay sa Oktubre 25, 2010, at sa halip ay gawin ito sa 2012. Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, na napagkasunduan ng mga kasapi ng kanyang partidong LKC sa pulong noong Miyerkules na suportahan ang kanyang panukalang batas na ipagpaliban ang barangay elections. Sinabi ni Lagman na ang pondong matitipid sa pagkansela ng halalan na tinatayang aabot sa P3.2 bilyon ay makabubuting gamitin na lamang ng Aquino administration sa mga makabuluhang programa at proyekto. Ipinaliwanag din ng kongresista na dapat ipagpaliban ang barangay elections para maiwasan ang muling pagkakahati ng mga Pilipino na idinulot ng katatapos na pambansang halalan nitong Mayo 10. Ayon kay Lagman, ikakasa ng LKC sa labanan ng Speaker sa Kamara, nagkasundo ang kanilang partido na isulong ang inihain niyang panukalang batas (House Bill No, 104), na gawing limang taon ang termino ng mga barangay official sa halip na tatlong taon. “The consensus in previous Congresses as expressed in numerous bills is to fix the terms of barangay officials to five (5) years. Thus, postponement of the October 25, 2010 election to October 29, 2012 would give the incumbent barangay officials, who were elected in 2007, terms of 5 years," paliwanag ni Lagman sa kanyang panukala. “Since barangay officials constitute the pool from which city and municipal officials often come from, there is merit for a longer period of five years to afford barangay officials adequate training and experience in local governance," idinagdag pa sa panukala. Una rito, inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rene Sarmiento na mano-mano ang ipatutupad na halalang pambarangay na kasabay rin ng eleksiyon para sa Sangguniang Kabataan (SK). Pero kahit mano-mano, pinag-aaralan naman ng Comelec kung anong uri ng balota ang gagamitin. Kabilang sa pinagpipilian ay lumang balota na isinusulat ang pangalan ng kandidato, o ang pag-shade na lamang sa pangalan ng kandidato na kagaya ng ginamit sa automated elections. Itinakda na ng Comelec ang panahon ng pagpaparehistro para sa SK elections sa July 15 hanggang July 25, samantala sa August 1 hanggang 10 ang pagpaparehistro sa para barangay elections. Ang mga maaaring magpatala para sa SK polls ay mga Filipino citizen, residente ng barangay sa loob ng anim na buwan, at may edad 15 hanggang 17. Samantala, kailangang residente sa Pilipinas ng hindi bababa sa isang taon ang boboto para sa Barangay, residente sa bobotohang barangay ng hindi bababa sa anim na buwan, Filipino citizen, at 18-anyos pataas. – FRJimenez, GMANews.TV