Filtered By: Showbiz
Showbiz

Report: Kris Aquino's grounds for separation with James Yap will 'shock' public


Nananatiling palaisipan ang dahilan kung bakit iniwan ni Kris Aquino ang mister na si James Yap. Pero sa isang ulat sa telebisyon, sinabing ikagugulat daw ng publiko ang nakasaad na “grounds" sa ihahain nitong petisyon sa korte para pawalang-bisa ang kasal nila ng sikat na basketball player. Sa ulat ni entertainment reporter Nelson Canlas, sinabi nito na naging maingat ang mga abogado ni Kris na magbigay ng detalye tungkol sa inihandang petisyon na ihahain nila sa korte partikular sa dahilan ng hiwalayan. Hihintayin na lamang umano nila si Kris na siyang magsabi sa publiko tungkol sa dahilan kung bakit pinili niyang tuldukan ang mahigit limang taon na pagsasama nila ni James. Nasa Amerika pa si Kris kasama ang mga anak na sina Joshua at Baby James para magbakasyon.
“’Yon lang po ang bilin, let James Yap know na she’s serious this time, this is final," pahayag ni Atty. Anna Liza Logan, abogado ni Kris, sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes. Ayon kay Canlas, sinabi ng mga abogado ni Kris na ikagugulat ng publiko ang grounds kung bakit gusto ng TV host-actress na pawalang-bisa ng korte ang kanilang kasal ni James. Sinabi ni Atty Anne Goboy-Lapuz na hindi nila nais bigyan ng impresiyon ang korte na inilalagay nila sa trial by publicity ang kaso ng kanilang kliyente. Kung hindi na umano magagawang masuyo muli ni James ang asawa at makumbinsi na huwag ituloy ang pagsasampa ng petisyon sa korte, makabubuting simulan na ng basketbolista ang pakikipag-usap sa kanila. Kabilang sa mga bagay na maaari umanong ayusin ay ang karapatan nitong bumisita sa kanilang anak. Sinikap naman ng GMA News na makuha ang panig ni James ngunit magalang itong nakiusap na hindi na muna siya magsasalita tungkol sa problema nilang mag-asawa. Nauna nang inihayag ni James na nais niyang mabuo muli ang kanyang pamilya. – Fidel R. Jimenez,GMANews.TV