Filtered By: Topstories
News

Ricky Carandang may dapat linawin sa CA, ayon kay Legarda


MANILA – Posibleng hindi magiging madali ang paglusot ng kumpirmasyon sa Commission on Appointments (CA) ng dating television broadcaster na si Ricky Carandang, na itinalagang kalihim ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Malacanang. Kabilang si Carandang sa tatlong mamumuno sa itinatag na Communication Group sa Palasyo na mamamahala sa imahe ng pamahalaang Aquino. Kasama ng dating host ng cable news channel ANC, sa Comm Group sina Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Hermino Coloma. Dahil pawang may ranggong kalihim ng Gabinete ang posisyon ng tatlo, kailangang dumaan sa CA ang kanilang kumpirmasyon. Ngunit sa panayam ng media kay Sen Loren Legarda nitong Huwebes, sinabi niya na kailangang patunayan at kumbinsihin ni Carandang ang CA na naging indepedyante siya bilang mamamahayag noong panahon ng kampanya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Was he part of the LP (Liberal Party) communications team before?" tanong ni Legarda na tumakbong bise presidente sa nagdaang halalan sa ilalim ng Nacionalista Party ni Sen Manny Villar. "You can’t be an anchor and journalist, and PR-ing at the same time for a candidate," idinagdag ng mambabatas. Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Aquino, mistulang nakiusap ang pangulo sa mga mambabatas na magiging miyembro ng CA na huwag padaanin sa butas ng karayom ang kumpirmasyon ng kanyang mga itinalagang opisyal. Ang CA ay binubuo ng 12 senador at 12 kongresista. Ang miyembro ng komisyon ay ibinabatay sa dami ng miyembro ng partido o koalisyon sa dalawang kapulungan. Ayon sa Office of the Secretary ng CA, wala pang nagsusumite sa tanggapan ng anumang pagtututol sa mga kalihim na itinalaga ni Aquino. Handa ako – Carandang Sa panayam sa telepono ng GMANews.TV, sinabi ni Carandang na handa siyang patunayan sa CA ang kanyang pagiging indepedyente. "If I have to go through the CA and those questions are given to me, I will obviously have to answer them," pahayag ni Carandang na mamamahala sa “messaging arm" ng Comm Group. Iginiit din ng dating broadcast journalist na hindi siya naging bahagi ng communication group ng LP bago siya italaga sa naturang posisyon sa Malacanang. Tiniyak din nito na walang matatanggap na espesiyal na pabor ang ABS-CBN na dati niyang pinaglingkuran. Una rito, itinanggi ni Carandang ang espekulasyon na binigyan niya ng advance copy ng talumpati ni Aquino ang ANC kaya kaagad nakapaglabas ng kopya ng speech ang network ilang saglit matapos ang SONA. Idinahilan ni Carandang na posibleng nanggaling sa mambabatas o ibang kalihim ang kopyang nakuha ng ANC. - GMANews.TV