Filtered By: Topstories
News

Mga opisyal sa RP embassy sa KSA pinuri sa pagtulong sa mga nagipit na OFWs


JEDDAH, Saudi Arabia – Kung dati ay puro batikos ang inaabot sa mabagal na pagkilos, ngayon ay nakatikim ng papuri ang mga opisyal ng embahada at ahensiya ng Pilipinas na namamahala sa kagalingan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang ito. Sa panayam kay Eric Jocson, chairperson ng Kapatiran sa Gitnang Silangan, nagpasalamat ang grupo sa mabilis na magtugon umano ng mga opisyal ng Pilipinas sa problemang kinakaharap ng mahigit 40 nagipit na OFWs. “Medyo nagkakaroon na ng linaw ang kaso ng 16 sa mahigit 40 distressed OFWs. Malamang makauwi na sila ng Pilipinas kapag naging maayos na ang lahat ng kanilang papeles," pahayag ni Jocson, Sinabi ng lider ng grupo na ang mga nagipit na OFWs ay biktima ng iba’t ibang klase ng labor malpractice katulad ng contract substitution, sobrang singgil ng placement fee, at marami pang iba. Hindi na umano nakayanan ng mga OFW ang problemang kanilang dinaranas sa kanilang mga pinapasukan kaya humingi na sila ng tulong sa organisasyon. Kasunod nito ay idinulog naman nila sa mga ahensiya gaya ng embahada ng Pilipinas, Philippine Overseas Labor Office (POLO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang hinaing. Ayon kay Labat Valenciano, naihain na sa Saudi Labor office ang reklamo ng 16 OFWs at hihintayin na lamang ang magiging resulta ng imbestigasyon. Kinausap na rin umano ng mga opisyal ng Pilipinas ang mga may-ari ng kumpanya na kanilang pinasukan at nagpahayag ang mga ito ng kahandaan na sagutin ang gastusin para mapauwi sila sa Pilipinas o mabigyan sila ng release paper para makahanap sila ng ibang mapapasukan sa KSA. “Wala pang tatlong buwan sa kumpanya ang mga nagreklamo kaya nakasaad sa ating batas sa Pilipinas na may pananagutan pa ang ahensya na nagpaalis sa kanila," paliwanag ni Valenciano sakaling pauwiin sa bansa ang mga OFW. Samantala, tiniyak din umano ng Atty. Dulfie “Ping" Shalim, Social Service Attache, kay Jocson na patuloy na nilalakad ni RP Ambassador Antonio Villamor ang kaso ng mga distressed OFWs. Ang Social Service Attache ay karugtong ng Department of Social Welfare and Development sa Pilipinas na nagkakaloob ng suporta sa pangangailangan ng mga Pilipinas, kasama na ang moral support. Ayon kay Jocson, binigyan SSA ng mga bigas, de-lata, noodles, kape, asukal at ibang personal na pangangailangan, at pinansiyal na tulong ang mga distressed OFW pagkatapos nila itong makausap. “Dito natin makikita ang tunay na tulong at kilos ng ating mga opisyales. Saludo kami sa pagkilos nila para matulungan ang ating mga kababayan," ayon kay Jocson. Matatandaan na kasama sa naging direktiba ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa kanyang inagurasyon sa Luneta na pag-ibayuhin ng mga kinauukulang ahensiya ang pagtulong sa mga nagigipit na OFWs sa ibang bansa. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV