Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ang damdamin ng isang mapagmahal na ina


Ang bilis ng panahon. Ilang taon ang matuling lumipas. Anak, malapit ka nang maglabing-limang taon. Madami na akong puting buhok. Labas na ang maraming ugat sa aking kamay. Ilang taon na lang at kukulubot na ang aking balat. Pero masaya naman ako dahil alam ko na ibinigay ko ang lahat ng aking pagmamahal at kakayanan para mapalaki ka ng maayos at may paggalang. Naalala ko pa nang una kitang paliguan kahit na takot na takot ako at baka mapasukan ng tubig ang ilong o ang taenga mo. Wala akong aasahan at kahit takot ako na baka mabasa ang pusod mo, nagawa ko naman ng maayos ang lahat. At sa pagkakatanda ko, hindi ka man lamang nga umiyak. Kailangang linisin ko ang bibig mo para hindi ka magkaroon ng singaw at patakan daw ng buhay na tubig ang mata para madaling luminaw. Madalas pa nga akong masunugan ng sinaing o ‘di kaya ay labis na paglalaga ng mga bote ng dede mo. Mahirap mag-isa lalo na sa "first time mom" na tulad ko. Wala si Papa dahil kailangan niyang magtrabaho bilang isang marino. Umaga't hapon ang paghilot sa iyo para hindi kabagan, pati tuhod para maging malakas ang buto at madaling maka lakad.


Mahirap mag-isa lalo na sa 'first time mom' na katulad ko. Wala si Papa mo dahil kailangan niyang magtrabaho bilang isang marino. Umaga't hapon ang paghilot ko sa iyo para hindi ka kabagan, pati tuhod para maging malakas ang buto at madaling makalakad.
– E. Velonza
Kinakailangang maghugas muna ng alkohol bago ka hawakan dahil sinisigurado ko na laging kang malinis at hindi magkakasakit. Hindi ka dadapuan ng langaw o lamok, kakagatin ng langgam o anupaman. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nagkakasakit ka. Hindi ako makakain o makatulog lalo na kapag nilalagnat ka dahil sa pagtubo ng ngipin o gawa ng buwanang bakuna. kapag ikaw ay may ubo o sipon ay hindi ako mapakali hangga't hindi ka gumagaling. Lagi akong nakaagapay sa iyo. Laging andoon ang kamay ko na handang tumulong. Sa oras ng unang hakbang mo para hindi ka madapa at magasgasan o masugatan ang tuhod mo, laging nakaalalay ako sa iyo. Napapangiwi ako kapag nasasaktan ka. Nakakatuwang isipin na noon ay parang hindi ka mabubuhay na wala ako sa tabi mo. Umiiyak ka kapag hindi mo ako nakikita. Nais mong matulog sa aking kaliwang braso kahit maliit lang ito at hahawakan mo ang aking kanang kamay upang iyakap sa iyo. Parang hindi mo kayang matulog kung hindi ganoon ang posisyon mo dahil ramdam mo ay protektado ka. Hindi ko na matandaan kung gaano kadami ang mga kuwentong nailahad ko sa iyo bago ka matulog. Hanggang sa nagsimula ka nang mag-aral nndoon ako para turuan kang bumasa at sumulat; para turuan ka sa mga takdang-aralin. Gagawa ng "reviewer" kapag nalalapit na ang mahabang pagsusulit. Masaya naman kami ng Papa mo lalo na 'pag nakakakuha ka ng karangalan. Tinuruan kitang magsaulo ng tula kapag makikipagtagisan ka sa pagtula. Walang pagsidlan ang aking puso dahil sa kaligayahan kahit hindi mo man makuha ang pinakamataas na karangalan. Kasama mo rin ako kapag may praktis ka ng sayaw, tagakuha ng litrato, tagapunas ng pawis, tagapalit ng baro. Labis kong ikatutuwa ang pag-aalok mo ng tulong kapag ako ay nagliligpit ng pinggan at kapag ako ay naglalaba. Sinabi ko sa iyo noon na kapag malaki ka na ay aayawan mo na ang mga gawaing iyon. Kapag kami ng Papa mo ay nagkakatuwaan lalapit ka na agad at sasama sa aming kasiyahan.

Ngayon nga ay "teenager" ka na. Nami-miss ko ang paghalik at pagyakap sa iyo tulad noong bata ka. Ang pagkikilitian natin, ang paglalaro. Ang paglalambing mo sa akin, ang pagyakap sa akin at paghalik kapag may gusto kang ipabiling laruan.
– E. Velonza
Ngayon nga ay "teenager" ka na. Nami-miss ko ang paghalik at pagyakap sa iyo tulad noong bata ka. Ang pagkikilitian natin, ang paglalaro. Ang paglalambing mo sa akin, ang pagyakap sa akin at paghalik kapag may gusto kang ipabiling laruan. Ngayon, dumidistansya ka na sa amin ni Papa. Lumipat ka ng kuwarto. Mas madalas ka na sa kaibigan mo. Pero okay lang iyon dahil alam ko na parte iyon ng paglaki. Marami ka nang natututunan at nadidiskubre sa buhay. Madalas na rin tayong magdiskusyon dahil malawak na rin ang iyong nalalaman. Marami ka ng ipinabibili -- pabango, gel o wax na panlagay sa buhok. Nag-aalala ka na rin sa tigyawat mo pati na rin sa pagbibihis mo -- damit, sapatos at kung anu-ano pa. Natutuwa ako sa mga oras na nagku-kwento ka sa akin ng mga sikreto mo hindi ko lang ipinahahalata. Masaya kami sa mga nakakahiligan mo lalong-lalo na ang pagsasayaw, pagtugtog ng gitara, pagma-magic ng cards. Nang manood tayo ng sine na buong pamilya, ang sarap ng pakiramdam ko. Lalo akong natutuwa kapag nakakasama ka namin makinig ng salita ng Diyos tuwing Linggo. Para akong nakalutang sa alapaap kapag nakakarinig ako ng papuri na mabait at mabuti kang bata. Hinihiling ko na magkaroon ka ng magandang kinabukasan at matagpuan mo ang mabuting babae para sa iyo. Magkaroon ka ng higit sa isang anak dahil alam ko na gustong-gusto mo ang magkaroon ng kapatid. Dahil sinabi mong malungkot ang nag-iisang anak. Sana kung paano ka namin pinalaki ay mapalaki mo rin ng maayos ang mga magiging anak mo. At sa pagtanda namin, anak, nais namin na agapayan mo rin kami kung paano ka namin inakay sa tamang landas. Maraming salamat sa paglalathala. Masaya ako na naparating ko ang nararamdaman ng isang ina na nagbibinata na ang nag-iisa at pinamamahal niyang anak. - GMANews.TV E. Velonza of Singapore Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!