Filtered By: Topstories
News

Mga kongresista tutol na gawing legal ang aborsiyon


MANILA – Ibinasura ng ilang kongresista ang panawagan ng isang grupo na nagtutulak sa kagalingan ng mga kababaihan na magpasa ng batas para gawing legal ang pagpapalaglag o aborsiyon sa Pilipinas. Sa magkakahiwalay na pahayag nitong Martes, nagkakaisa sina Reps. Rodante Marcoleta (Alagad), Emmi de Jesus (Gabriela) at Juan Edgardo Angara (Aurora), na mas malaking pinsala ang idudulot sa bansa kapag pinayagan ang aborsiyon sa Pilipinas. “I don’t think the numbers – no matter how big—can justify any legislation that could legalize abortion in this country," paliwanag ni Marcoleta. (Basahin: Women's groups to Congress: Allow 'safe and legal abortion') Ang pahayag ni Marcoleta ay reaksiyon sa panawagan ni Atty. Clara Rita Padilla, Executive Director ng EnGendeRights, na gawing legal ang pagpapalaglag kasunod ng paglabas ng isang ulat tungkol sa tumataas na bilang ng mga nagpapa-abort sa bansa. Batay sa ulat na “Forsaken Lives: The Harmful Impact of the Philippine Criminal Abortion Ban," na inilabas ng New-York-based Center for Reproductive Right, inilarawan nila ang krisis umano sa karapatang pantao dahil sa maternal deaths, injuries, at mga sakit na nakukuha ng mga babae dahil sa aborsiyon sa Pilipinas. Idinagdag sa ulat na mahigit kalahating milyong Pinay ang nagpapa-abort bawat taon, kung saan 90,000 sa mga ito ang nagkakaroon ng komplikasyon, at 1,000 ang namamatay. Sinabi naman ni de Jesus na hindi niya kakampihan ang legalisasyon ng aborsiyon kahit sinusuportahan niya ang Reproductive Health bill na nagsusulong na payagan ang paggamit ng mga contraceptive at condom. “We recognize the gravity of the situation where women die from abortion and this should be addressed. But the more important bill that should be passed is the RH bill where the emphasis is more on comprehensive women’s health where abortion can be prevented," paliwanag niya. “In special cases where abortion is the last resort to save the mother’s life and sanity (tulad sa mga biktima ng rape) should be legalized. But again, RH bill should be prioritized," idinagdag ni de Jesus. Para naman kay Angara, tututulan niya ang anumang panukalang batas na ipapasa sa Kamara kung may layunin nito na gawing legal ang aborsiyon sa Pilipinas. “Although I support some provisions in the Reproductive Health bill, I am not in favor of legalizing abortion. I think it may alter behavior in unfavorable ways especially by encouraging irresponsible behavior," deklara niya. - GMANews.TV
Tags: abortion