Filtered By: Showbiz
Showbiz

Richard Gutierrez shares glimpse of Survivor celebrity edition


Matipid at maingat na nagbahagi si Richard Gutierrez tungkol sa mga eksenang dapat abangan sa reality show na Survivor Philippines: Celebrity showdown na mapapanood sa Kapuso Network. Sa pamamagitan ng phone interview, nakapanayam ni Chika Minute host Pia Guanio nitong Biyernes ang bagong host ng Survivor na si Richard. Kasalukuyang nasa isang lihim na isla si Richard kasama ang mga celebrity castaways na magtatagisan ng lakas at talino para sa bagong season ng Survivor Philippines. Kaagad na inusisa ni Pia ang bagong hair style ni Richard na nagpagupit ng maigsi. Desisyon nga ba ito ng aktor? “Ako mismo ang pumili," bungad ni Richard sa crew cut hair style niya. “Actually sinabi ko sa mga producer ko na gusto kong magpakalbo. Hindi sila sang-ayon sa desisyon ko nagulat sila na gusto ko. Pero ako mismo nagsabi sa kanila na kaya ko at gusto ko rin. At may twist yung pagpapakalbo ko in the middle of the show na dapat abangan." Bukod dito, ikinunsidera rin daw ni Richard ang magiging kalagayan niya sa pagtira sa isla kaya pinili niyang magpaigsi ng buhok para hindi na niya problemahin ang kanyang hair style tuwing taping ng show.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Siyempre titira ako sa isang isla kasama ang taga-Survivor, araw-araw kaming magtatrabaho, ayokong isipan pa na mag-ayos ng buhok. Siyempre new show, big show, I want to have a new look for it. Ngayon lang ako lumabas na ganito ang itsura ko for a show," paliwanag pa niya. Maingat at matipid pero kinumpirma ni Richard ang mga tanong ni Pia tungkol sa kalagayan ng mga celebrity castaways na tadtad ng kagat ng lamok at nagkakaroon nang mga problema sa balat dahil sa pagtira sa isla. “Matindi talaga ang living condition ng mga castaway ngayon. According to the producers this is the toughest at pinakamatinding season ng Survivor so far," kuwento ng aktor. “Sa totoo lang Pia pati mga staff and crew, pati ako mismo punong-puno na rin ng kagat ng lamok. Kakaiba ang mga lamok dito dahil hindi tinatablan ng kahit anong insect repellant," dagdag niya. Sakabila umano nito ay makikita raw na palaban ang mga celebrity na sumali sa reality show. “Totoo nga bang may castaways na nanugod sa kalabang tribu na may dalang itak?," tanong ni Pia kay Richard na lead star din ng upcoming movie na In Your Eyes with Claudine Barretto at Anne Curtis. Sagot ng actor-host: “Isa 'yan sa mga highlight ng season na ito at hindi ko maaaring ikuwento ‘yan ng buo sa inyo. Pero siguro nga dahil sa into the game na ang mga castaways, lumalabas na ang animal instinct nila." Aminado si Richard na mahirap ang ginagawa nila sa isla at malayo kumpara sa taping at shooting na ginagawa nila sa Manila na may stand-by area at maaari niyang hingin ang mga gusto niya. Sa isla, sinabi ni Richard na gumigising sila ng maaga, lumilipat sa mga isla, at may pagkakataon na nai-stranded kapag biglang umulan dahil napakahirap umanong hulaan ang magiging panahon sa lugar na kinaroroonan nila. – Fidel R Jimenez, GMANews.TV