Filtered By: Topstories
News

‘Holiday economics’ ni Gloria ‘di gagalawin ni Noynoy


MANILA – Igagalang umano ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang ipinatupad na “holiday economics" ng dating administrasyon na naglalayong mapalakas ang lokal na turismo sa pamamagitan ng mahabang weekends. Sa naging panayam ng media kay Presidential spokesman Edwin Lacierda nitong Biyernes, sinabi nito na nakatanggap siya ng maraming tanong kung iuusog ang araw ng paggunita (Agosto 21) sa kamatayan ni dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr, - ama ni Pangulong Noynoy. “As far as possible, President Aquino does not want to highlight the death anniversary or any anniversary of his parents just because of his position," ayon kay Lacierda. Tatama ang Agosto 21 (deklaradong holiday) sa Sabado. At kung susundin ang ipinatupad na holiday economics ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, maaari itong iusog sa susunod na “working day" (Lunes) para humaba ang weekends ng tatlong araw (Sabado, Linggo at Lunes). Ang holiday economic ni Arroyo ay nakapaloob sa inaprubahan nitong Republic Act 9492 na ipinatupad noong 2007. Sa ilalim ng naturang batas, ang mga pista opisyal o holiday, maliban sa mga may mahalagang kinalaman sa relihiyon, ay maaaring gunitain sa ibang araw. Ngayong Agosto, bukod sa kamatayan ni Ninoy, deklarado ring pista opisyal ang Araw ng mga Bayani na gugunitain naman sa Agosto 30 (Lunes). Ang iba pang “movable holidays" ngayong taon ay ang Bataan Day (April 9), Labor Day (1 May), Independence Day (June 12), National Heroes Day, Bonifacio Day (November 30) at Rizal Day (December 30). Hindi naman kasama sa holiday economics ang araw ng Pasko (December 25), Disperas ng Bagong Taon at Bagong Taon (December 31, January 1), Holy Thursday, Good Friday, Easter Sunday, Eid’l Fitre (October 13) at All Saints Day (November 1). — GMANews.TV