Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Liezl blames Mariel for Robin's lack of time for kids


May galit at sama ng loob si Liezl Sicangco sa ama ng kanyang mga anak na si Robin Padilla. Ang hinaing ng ina ng apat na anak ng action superstar, napapabayaan diumano ni Robin ang kanilang ten-year-old kid na si Ali. (Bukod kay Ali, may tatlong anak na babae ang dalawa—sina Roselle Elizabeth, Kylie Nicole, at Sherileen Zel. Kasalukuyang nakahiwalay ang mga bata sa kanilang ina na nakabase sa Australia.) Ayon kay Liezl, anim na linggo na raw na hindi nagpapakita si Robin kay Ali kaya lagi raw itong umiiyak kapag nakakausap niya sa telepono. Ang dahilan: "Si Mariel [Rodriguez]," ang bungad niyang sagot. Dugtong pa niya, "Siya ang dahilan kung bakit hindi na nagpapakita si Robin kay Ali. Sana, kung hindi na niya maalagaan ang aming mga anak, e, ibalik na lang niya ito sa akin dito sa Australia. "Actually, wala naman akong pakialam kay Mariel kasi may sarili siyang buhay. Ang concern ko lang naman, e, ang kalagayan ng aming anak, lalo na si Ali dahil napakabata pa niya." Binanggit din ni Liezl sa writer na ito ang mga bagay na itinuturo umano ni Robin sa kanilang nag-iisang anak na lalaki. "As of this early, e, tinuturuan na niyang mambabae ang anak ko. 'Tapos, sinasabi pa niya sa bata na dapat, e, magkaroon din ito ng apat na asawa paglaki. Hindi ko gusto 'yon, dahil napakabata pa ni Ali para sa mga bagay na 'yan," ang madamdaming pahayag ni Liezl. Sa paniniwala ng Islam, na siyang relihiyon ng aktor, sinasabing ang lalaki ay maaaring magpakasal ng ilang beses, pero ang konteksto na nakasaad sa Koran: "Marry women of your choice, two, or three, or four; but if ye fear that ye shall not be able to deal justly [with them], then only one." Kaya lang naman daw ito pumayag nitong nakaraang taon na dalhin ni Robin ang mga anak sa Pilipinas ay dahil sa isang pangako. "Sabi sa akin noon ni Robin bago sila umalis ng Australia, hindi raw muna siya mag-aasawa agad para maasikaso niya ang mga bata pero iba na ang nangyari ngayon. Paano nga niya maaasikaso ang mga bata, lalo na si Ali, kung nakatutok siya ngayon at gusto na niyang pakasalan si Mariel?" saad ni Liezl. Nitong nakaraang Sabado sa Entertainment Live, binigyan ni Robin si Mariel ng diamond ring na nagkakahalaga ng 1.2 million pesos. Sa pagpapatuloy ni Liezl, "Umaapela ako kay Robin na sana, e, ibalik na niya ang mga anak ko dito sa Australia dahil siguradong maalagaan ko sila 24/7. Hindi gaya nung nasa Pinas sila na kadalasan, e, pinatitira pa niya ang bata sa kanyang mobile house. "For me kasi, e, hindi 'yon masyadong healthy para sa mga bata. Sana naman, e, maawa si Robin sa mga bata at sana naman, this time, e, pakinggan niya ako dahil every time na nagkakausap kami, e, para siyang walang naririnig." Tinapos ni Liezl ang interview sa pamamagitan ng isang pakiusap kay Robin na mahigit 20 years din silang nagsama bago naghiwalay noong 2007. Aniya, "Galit na galit talaga ako sa kanya dahil sa mga nangyayari sa anak ko kaya sana naman, e, ibalik na niya sa akin ang mga kids." GETTING IN TOUCH WITH ROBIN'S CAMP. Kaninang alas onse ng umaga, nakausap ng managing editor ng PEP (Philippine Enetrtainment Portal) na si Karen Pagsolingan ang manager ni Robin na si Betchay Vidanes. Tumangging magbigay ito ng anumang pahayag. Samantala, pinadalhan din ng PEP si Mariel ng isang text message para kunin ang kanyang reaksiyon. Heto ang kanyang sagot (published as is): "Ms. Liezel can say anything that she likes. That's her right, as free men, we have to respect each other's views. As a mother, she must protect her children. Totally understandable..." - Joey Sarmiento, PEP