Filtered By: Topstories
News

Kapatid ng kolumnista bagong pinuno ng SSS


MANILA – Hinirang ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III bilang bagong pinuno ng Social Security System (SSS) ang kapatid ng isang kolumnista na kabilang sa mga nanawagan na tumakbo siya sa nakaraang halalang pampanguluhan. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, inihayag ni Aquino na napili niya si Emilio de Quiros Jr., dating presidente ng Ayala Life Assurance Inc., bilang kapalit ni Romulo Neri sa posisyon bilang pinuno ng SSS. Si De Quiros ay kapatid ni Conrado de Quiros, kolumnista ng Philippine Daily Inquirer. Kabilang si Conrado sa mga sumuporta sa panawagan na umatras sa panguluhang halalan si dating Senador Mar Roxas upang bigyan-daan ang kandidatura ni Aquino sa nakarang May 10 elections. Kaagad namang nilinaw ni Aquino na walang kinalaman ang pagiging magkapatid nina Conrado at Emilio sa pagpili niya ng bagong pinuno ng SSS. "His being the brother of Conrad de Quiros is not relevant to his appointment as SSS [president]. Si Conrad de Quiros kasi he's not a business columnist, I wouldn't ask his advice with regards to this," paliwanag ng pangulo. Bagong pinuno ng CHR, SRA Kasabay nito, sinabi ni Aquino na pinirmahan na rin niya ang pagtatalaga kay Gina Bautista Martin bilang administrador ng Sugar Regulatory Administration (SRA). Inilarawan ni Aquino si Martin bilang "small sugar planter" mula sa Negros Occidental at matagal na umano niyang kilala. Inamin din niya na si Martin ay kapatid ng isa niyang cousin-in-law. Sa kabila nito, iginiit ng pangulo na ang karanasan ni Martin ang kanyang naging basehan kaya niya ito hinirang sa SRA. Samantala, sa kabila ng pagtutol ng ilang militanteng grupo, sinabi ni Aquino na si dating Akbayan party-list Rep. Loretta Ann "Etta" Rosales ang napili niyang mauupo bilang bagong pinuno ng Commission on Human Rights (CHR). "I'm awaiting the papers reaching my office," ayon kay Aquino. Kabilang ang Akbayan sa mga grupo na naging kaalyado ng partido ni Aquino na Liberal Party (LP) sa katatapos na halalan. Naging kongresista si Rosales mula 1998 hanggang 2007. Kabilang siya sa mga human rights victims na nagsampa ng class suit laban kay dating pangulong Ferdinand Marcos. Matapos kumpirmahin ni Aquino ang pagtatalaga niya kay Rosales sa CHR, nagpalabas ng pahayag ang dating mambabatas at tiniyak na ipaglalaban at itataguyod ang usapin ng karapatang pantao. "I will prioritize major human rights issues--extrajudicial killings, involuntary disappearances, and police brutality," ayon kay Rosales. - GMANews.TV