Filtered By: Topstories
News

Gloria nangakong susubaybayan ang imbestigasyon sa Manila hostage taking


MANILA – Ipinangako ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na masusi nitong susubaybayan ang ginagawang imbestigasyon sa madugong hostage taking sa Maynila na nagresulta sa pagkasawi ng walong turistang Hong Kong Chineses. Sa kanyang sulat na ipinadala kay Prime Minister Wen Jiabao ng People’s Republic of China (PROC), ipinaabot ni Arroyo, kongresista ngayon ng Pampanga, ang pakikiramay sa mga kababayan nito na nasawi sa naganap na trahedya noong Lunes sa Quirino Grandstand. “With great sadness, I wish to express my deepest sympathy to you and to the people of the People’s Republic of China, especially the families of your eight Hong Kong compatriots who were slain during the hostage-taking incident in Manila," nakasaad sa sulat ni Gng Arroyo. “I shall follow closely the government’s conduct of investigation into this tragic incident that would determine possible culpability on the part of the authorities," idinagdag niya. Sa hiwalay na sulat na ipinadala ni Arroyo sa mataas na opisyal ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR), sinabi ng dating pangulo na nararapat lamang na kondenahin ang naganap na karahasan at papanagutin ang mga may pagkukulang. “It was a senseless and reprehensible act of brutality that deserves nothing but strong condemnation. Whoever may be held accountable for the violent turn in the negotiations should be penalized accordingly. This is the only way by which we could truly honor the memory of the victims and give justice to the families in their hour of bereavement," nakasaad sa sulat ni Arroyo para kay HKSAR Chief Executive Donald Tsang. Sa kabila ng madugong hostage tragedy, nagpaabot ng pag-asam ang dating pangulo na mananatili ang magandang ugnayan ng mga mamamayan ng Hong Kong at Filipino. Kasalanan ni Gloria – Rep. Ejercito Samantala, isinisi ni San Juan Rep. Joseph Victor “JV" Ejercito kay Gng Arroyo ang naging kapalpakan ng mga pulis sa ginawang pagresponde sa hostage taking sa Luneta. Sa media forum sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni Ejercito, anak ni dating pangulong Joseph Estrada, na kulang sa pagsasanay ang mga pulis dahil naging abala ang mga ito sa pagbabantay sa seguridad ni Arroyo. Sakop ng Manila police ang Malacanang kung saan namamalagi si Arroyo noong nakaupo itong pangulo sa loob ng siyam na taon. Nagtapos ang termino ni Arroyo nitong June 30, 2010, at pumalit si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. “The PNP (Philippine National Police) was not prepared for the crisis situation because for nine years, especially the Manila’s Finest parang naging task nila is to protect Pampanga’s best (Arroyo). Parang mas naging training nila ang bantayan ang political adversaries kaya hindi sila handa," paliwanag ni Ejercito. Bagaman kasapi ngayon ng minorya sa Kamara de Representantes, idinepensa naman ni Ejercito ang liderato ni Pangulong Aquino, na inuulan ng batikos sa madugong wakas ng hostage taking. “Let us not be very quick to blame on this administration for this tragic crisis, everybody siguro mga Pilipino, lahat tayo ay apektado dito kaya dapat magtulungan sa paghahanap ng solusyon," panawagan niya. Nanawagan naman si Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla, na hindi na dapat haluan ng pulitika ang nangyaring trahedya. “Huwag na nating haluan ng politika, huwag na nating sabihing Pampanga’s best, there are things that are basic, sa crisis management regardless of who is the President, don’t tell me na hindi SOP at certain level may crisis management team kaagad, part ng SOP iyan, alam nila (police) ang dapat gawin," pahayag niya. Idinagdag naman ni House Deputy Minority Leader Danilo Suarez na maraming insidente ng hostage crisis na naganap sa panahon ni Arroyo na nagwakas sa mapayapang paraan. “Huwag nang sisihin ang dating administration (Arroyo) which has nothing to do with the incident," ayon kay Suarez. - GMANews.TV
LOADING CONTENT