Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Claudine says Angelica out to ruin Derek's friendships


PEP EXCLUSIVE: Humagulgol si Claudine Barretto nitong Huwebes, Agosto 25, nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono habang inilalahad ang dahilan ng kanyang balak na paghahabla kay Angelica Panganiban. Si Claudine, 31, ang dating kinikilalang premier star ng Star Magic; sa kasalukuyan, si Angelica, 23, ang namamayagpag sa talent center ng ABS-CBN. Nakarating sa mga editors ng PEP na binabalak ng premyadong aktres na magsampa ng demanda laban kay Angelica, isa ring mahusay na aktres, dahil sa diumanong pagkakalat ng huli ng mga kuwentong nakasasama kay Claudine at sa kanyang pamilya. Ayon sa aktres, ipinamamalita raw ni Angelica sa ilang taong malapit kay Claudine na may affair si Claudine sa best friend ni Derek Ramsay na si Martin Castro. Si Martin ay naging kaibigan daw ni Raymart Santiago, asawa ni Claudine, simula pa noong nakaraang taon. Pag-describe ni Claudine sa telepono, si Martin ay: "Siya iyong payat sa picture na pinadala namin sa iyo. Iyong payat na may hikaw." Ang litratong tinutukoy ay pinadala ni Claudine noong Hulyo sa manunulat na ito, sa pamamagitan ng isang kaibigan, kasama ang iba pang litrato ng July 20-joint birthday celebration nila ni Raymart. Ito ang picture na kasama ng artikulong ito. "Kinonfirm na ng apat na tao ito sa akin," sabi ni Claudine tungkol sa pagkakalat diumano ni Angelica ng kuwentong ang nakatatandang aktres ay may affair sa kaibigan ni Derek. Bukod pa rito, ayon kay Claudine, ikinagalit din daw niya ang maanghang na pasaring ni Angelica laban sa kanyang kapatid na si Gretchen sa Twitter. Nakarating din daw kay Claudine na sinabi ni Angelica sa ilang mutual friends na, "Pareho lang daw kaming magkapatid. Kulang na lang sabihin niyang 'kabit.'" Pinabulaanan ni Claudine sa PEP na siya ay mayroong relasyon kay Martin Castro. Magkaibigan lang daw sila nito. "In fact, Martin and Raymart are still friends, they still talk," sabi ng aktres. Sa paniniwala ni Claudine, ito ay paraan ni Angelica, ang girlfriend ni Derek, para sirain ang pagkakaibigan ni Derek at ng matalik nitong kaibigang si Martin. Ayon pa rin kay Claudine, di ito naiiba sa panggugulo ni Angelica sa pagkakaibigan ng aktor at ng mga kasamahang atleta. Sabi ni Claudine tungkol kay Angelica, "Gusto niyang sirain si Derek at si Martin. Ipinagkakalat niya na addict si Martin." Sa pagsasalaysay ni Claudine, nagsimula ang lahat nang maimbitahan sila ni Raymart ng mag-asawang Martin at Cris Castro sa tahanan ng huli nitong Hulyo. "They had just renovated their house kasi, they fixed the garden, and Martin's mother cooked. At gusto daw ako makita ng mother ni Martin," paglalahad pa ng aktres. Nagkataon daw na imbitado rin si Derek sa nasabing okasyon at kasama nito si Angelica. Ayon kay Claudine, "pagdating pa lang" ng nakababatang aktres ay tila masama na ang timpla nito, at di minsang tila "padabog-dabog" kumilos. Nakarating din daw kay Claudine nung gabi ring iyon na ikinukuwento ni Angelica sa ilang guests ang diumano'y pagreregalo ni Gretchen ng mga mamahaling gamit kay Derek, ang leading man ng huli sa teleseryeng Magkaribal ng ABS-CBN. Kinausap daw ni Claudine si Angelica nang gabing iyon. "I asked her why she was saying those things in the party." Ang nasabi lang daw ni Angelica sa kaniya ay isang matabang na "Sorry." "Inalagaan ko 'yan since she was nine years old," sabi pa ni Claudine sa PEP kahapon. "She was there on my wedding, imbitado siya sa binyag, we invite her to our house, how could she do this to me and my family?" Ayon kay Claudine, nakababatang kapatid ang turing nito kay Angelica, na nakasama niya noon sa ABS-CBN Star Magic at sa kaniyang huling teleserye sa ABS-CBN, ang Iisa Pa Lamang. "Kung may pinagdadaanan siya, sana sabihin niya sa akin, iintindihin ni Ate," dagdag ni Claudine. Ilang beses din daw nagplano ng pormal na pakikipag-usap ang mga Santiago kina Derek at Angelica ngunit walang natuloy sa mga ito. Hindi naman binanggit ng aktres ang mga pagkakataong humingi silang mag-asawa ng pakikipag-usap sa magkasintahang Derek at Angelica. Ngunit sinabi ni Claudine, na sa pagitan nilang tatlo ni Raymart at ni Derek, "May usapan kaming kung sino ang nagsinungaling, siya ang unang umako. Pero biglang nagtatago na sila." Sa isang text message na ipinadala ni Claudine, tinanong daw niya si Angelica: "What's your excuse for doing this to me?" Alam din ni Claudine ang mga sabi-sabi na ipinagtatanggol lang daw niya ang kapatid na si Gretchen upang makisawsaw sa publicity. Matatandaang nagkaroon ng iringan kamakailan lang sina Angelica at Gretchen matapos magbiro ng huli na padalhan siya ni Derek ng pictures mula sa bakasyon sa Europe—pero iyong mga retrato lang na hindi kasama si Angelica. Natapos ito sa pag-apologize ni Angelica kay Gretchen sa telebisyon, at ang paghingi rin ni Gretchen kay Angelica ng paumanhin sa pagiging "playful" niya na maaaring makasakit ng iba. "I will always protect my sister," sabi ni Claudine sa PEP. "I don't know if she knows, I don't care. I'm just wired that way." Inamin naman ni Claudine sa PEP na matagal na silang hindi nagkaka-usap ni Gretchen, at "mas mabuti nang ganito ang sitwasyon namin." Hindi rin naman niya ipinaliwanag kung bakit mas mabuti ang ganitong kalagayan. Gayunpaman, sabi niya, lagi niyang ipagtatanggol si Gretchen. "Eto lang ako," dagdag ni Claudine habang umiiyak sa telepono, "linis lang nang linis ng kalat ng kapatid ko." Ayon kay Claudine, inaayos pa ang mga papeles para sa kanyang paghahabla, at maaring sa Setyembre na ito ihain, matapos ng kanyang mga commitments sa trabaho. Tatlo ang mga abugadong pinag-iisipan ni Claudine na pahawakin ng kaso. Isa na rito ay ang dati na niyang abugado at kaibigang si Raymond Fortun. (Basahin: Mr. M on Claudine Barretto's threat to sue Angelica Panganiban: "Go Ahead... Make our Day!") - Jerome Gomez, PEP