Filtered By: Topstories
News

Paksiyon sa mga opisyal ni Aquino itinanggi ni Lacierda


MANILA – Mariing pinabulaanan ni Presidential spokesman Secretary Edwin Lacierda na may paksiyon o grupo-grupo sa Malacanang kaya pumalpak ang pamahalaan sa pagtugon sa Manila hostage tragedy. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, tinawag ni Lacierda na "totally blown out of proportion" ang intriga tungkol sa sinasabing paksiyon sa Malacanang na nahahati sa Balay Group at Samar group. "Ang sinasabing Balay Group and Samar group was during the campaign pero lahat kami ngayon ay nagtatrabaho para kay Pangulong (Benigno III) Aquino," pagdiin ng opisyal. Noong panahon ng kampanya, ang Balay group ay grupo ng mga tagasuporta ni Aquino na nag-oopisina sa bahay ni dating Sen Mar Roxas sa Balay Complex sa Cubao. Samantala, Samar group naman ang mga nag-oopisina sa isang gusali sa Samar Ave., Quezon City, na sinasabing nagsusulong sa tambalan nina Aquino at dating Makati mayor (ngayon ay vice president) na si Jejomar Binay. Nasa linya ng Balay group ang mga miyembro ng Liberal Party at civil society group na kinabibilangan nina Roxas, Secs. Butch Abad (Budget and Management), Dingkly Soliman (Social Welfare) at iba pa. Kasama naman sa Balay group sina Executive Sec Pacquito Ochoa, Sen Francis Escudero, at campaign media chief Maria Montelibano at iba pa. Hati ng trabaho Batay sa mga naglabasang ulat, sinasabing hinati ni Aquino ang responsibilidad sa mga departamento na mula sa magkaibang grupo tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG). Dahil hindi magkasama sa isang grupo, si Secretary Jesse Robredo umano ang inatasang mamahala sa pagpapahusay sa local government, habang si DILG Undersecretary Rico Puno naman ang tututok sa usapin ng pulisya. "Let me state that during the campaign Sec. Jesse Robredo was a member of the executive committee. Si Usec. Rico Puno was part of the sorties that traveled with the president," paliwanag ni Lacierda. "We believe everybody is working for the president and that's the most important thing." Sa panayam ng dzBB nitong Miyerkules, itinanggi rin ni Robredo ang balitang iringan sa palasyo at nanawagan sa publiko na iwasan ang magbigay ng mga espekulasyon. "Ang grupo ko lang Pangulong Noynoy, wala nang iba. Di maiwasan may pinagsamahan dati (pero) nasa administrasyon kami ni Pangulong Noynoy, isang grupo lang ito," paliwanag niya. "Di naman tama iugnay sa halalan noong nakaraan." Iniwasan naman ni Sec Soliman na pag-usapan ang umano’y paksiyon sa Malacanang at sa halip ay makabubuting ipaubaya na lamang umano kay Justice Sec. Laila De Lima na manggaling ang magiging resulta sa isinasagawang imbestigasyon sa naganap na trahedya. Idinagdag ni Soliman na ginawa ng mga kinauukulang ahensiya - Department of Health, Department of Tourism, Department of Social Welfare and Development, Department of Foreign Affairs at DILG – ang kanilang trabaho noong panahon ng hostage crisis. Kasabay nito, idinepensa ni Robredo ang pagkakasama niya bilang miyembro ng investigating committee sa naganap na hostage taking kung saan kabilang sa mga namatay ang walong turista na mula sa Hong Kong. "Kahapon ipinaliwanag ni Pangulong Noynoy bakit ako kasama sa mag-iimbestiga, bilang namumuno ng Napolcom at may administrative authority mag-imbestiga sa kapulisan," paliwanag niya. Una rito, hiniling ng oposisyon ang pagbibitiw nina Robredo, at Presidential Communications Group Secs Herminio Coloma at Ricky Carandang, dahil sa madugong wakas ng hostage crisis. – GMANews.TV
Tags: noynoyaquino
LOADING CONTENT