Filtered By: Showbiz
Showbiz

Child wonder Jillian Ward to debut on big screen with Bong Revilla


Mapapanood na sa big screen ang Kapuso child wonder na si Jillian Ward na mas kilala sa kanyang role bilang si Trudis Liit. Bukod sa pang-festival ang first movie, makakatambal pa ni Jillian ang action star na si Sen Bong Revilla. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, dinalaw ni entertainment reporter Audrey Carampel ang shooting ng first movie ni Jillian na Agimat na ginawa sa Biak-Na-Bato National Park sa Bulacan. Excited na nagkuwento si Jillian sa kanyang mga bagong experience para sa fantasy-action film katulad ng blasting scene at pakikipaglaban sa mga “monster." Tuwang-tuwa at hangang-hanga naman si Sen Bong sa ipinakitang husay ni Jillian sa Agimat na entry para sa Metro Manila Film Festival na ipalalabas sa Disyembre. “Napakagaling na bata. Napakagaling niyang umarte saka bibong-bibo, nakakatuwa," pahayag ng senador. Ayon kay Sen Bong, hindi biro ang ginagawa nilang action scene sa Agimat dahil ang kinuha nilang fight instructor ay grupo na galing sa Hong Kong na gumagawa rin ng ilang stunts ng Chinese actor na si Jet Li. “Masasabi natin na isang pelikula na kumbaga matagal ko nang gustong magawa, hindi nga lang Panday, it’s Agimat. Kaya abangan niyo itong espesyal na proyektong ito na alay namin sa inyo," ayon kay Sen Bong. - FRJimenez, GMANews.TV