Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Willie Revillame's show on TV5 to push through despite row with ABS-CBN?


Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng TV host na si Willie Revillame para sa kanyang bagong show sa bakuran ng TV5, gaya ng unang naiulat sa PEP Alerts noong September 8. Ayon sa isang source na may kinalaman sa produksiyon ng bagong show, mahigit isang linggo na ang ginagawang pag-eensayo ng grupo ni Willie. Karamihan ay ang mga nag-resign na dancers and staff ng defunct noontime show ni Willie sa ABS-CBN na Wowowee. Mahigit tatlumpung empleyado raw ng Wowowee ang nag-resign bilang suporta kay Willie nang magdesisyon ang pamunuan ng Kapamilya network na palitan ang Wowowee ng Pilipinas, Win Na Win! Lahat sila ay muling tinanggap ni Willie para sa anumang proyektong sisimulan niya. Noong Miyerkules ng gabi, September 8, nasaksihan mismo ng reporter na ito ang rehearsals ng mga dancer ng sisimulang TV show ni Willie sa Kapatid network. Ginanap ito sa isang studio ng Viva sa Sct. Madriñan, Quezon City. Hindi namin namataan si Willie, pero isang source ang nagsabi sa amin na halos araw-araw ay nandoon ang TV host. Dagdag pa ng source, ang bagong show ni Willie sa TV5 ay co-production ng TV host at ng Viva Entertainment, na pinamumunuan ni Mr. Vic del Rosario, kilalang malapit na kaibigan ni Willie. May bali-balitang isang afternoon variety show ang proyekto. Meron ding lumabas na report na primetime ang timeslot nito, 6-8 p.m. Pero ayon sa source, "Noontime show 'yon, pero hindi live." Kung totoo ang mga usap-usapan, ang magiging title ng bagong show ni Willie ay Wiling-Willie Kami! ONGOING LEGAL BATTLE. Magsisimula na raw mag-taping ang bagong programa anytime this week. At kung wala raw magiging aberya ay malamang na magsimula na itong palabasin bago matapos ang Setyembre. Pero may nagsasabi ring sa October 10 ito magsisimula, para 10-10-10. Kung anumang araw magsimula ang show ni Willie, marami ang nag-aabang kung matutuloy nga ito. As of press time ay hindi pa rin naaayos ang legal battle sa pagitan nina Willie at ng ABS-CBN. Matatandaang sinampahan ni Willie ng P11.5-million case ang ABS-CBN dahil sa pagkakatanggal niya at ng Wowowee sa ere noong July 31, 2010. Sa formal complaint ni Willie noong August 20, hiniling ng TV host sa korte na bigyan ng "judicial confirmation" ang pagpapawalang-bisa ng kanyang kontrata with ABS-CBN, na sa September 2011 pa matatapos. Pero iginiit naman ng ABS-CBN na si Willie ang nag-violate ng "behavioral provisions" ng kanyang kontrata kung kaya't wala siyang karapatan na tapusin ito nang mag-isa. - Eric Borromero, PEP