Filtered By: Topstories
News

2011 budget ni Aquino maraming sablay – Lagman


MANILA – Iminungkahi ng oposisyon kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Miyerkules na magsumite sa Kongreso ng supplemental National Expenditure Program (NEP) na pagkukunan ng reserbang pondo para sa gastusin ng pamahalaan sa 2011. Ang mungkahi ay ginawa ni House minority leader Rep Edcel Lagman (Albay), matapos umanong lumitaw sa ginawa nilang pagsusuri sa 2011 budget na maraming pagkakamali sa alokasyon na ginawa ng Department of Budget and Management na pinamumunuan ni Sec Florencio “Butch" Abad. “The on-going review by the House Committee on Appropriations of the President’s budget proposal for 2011 has revealed significant budgetary lapses," nakasaad sa pahayag ni Lagman, dating chairman ng nabanggit na komite. Kabilang umano sa kapalpakan sa isinumiteng budget ng DBM ay ginawang pagtapyas sa pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng halos 40 porsiyento na nakaapekto rin sa inilalaang pondo sa pagkakaloob ng legal na tulong sa mga overseas Filipino workers. Ayon kay Lagman, dahil sa malaking ibinawas sa pondo ng DFA, mistulang inamyendahan na rin ang Migrant Worker’s Act nang ibaba sa P27 milyon ang alokasyon sa Legal Assistance Fund, gayung hindi dapat bababa sa P100 milyon ang pondo nito batay sa nakasaad sa batas. Pinuna rin ni Lagman ang pagbawas sa halos 50 porsiyento sa orihinal na pondo na hinihingi ng Supreme Court at Judiciary na pinapangambahan na makakasama sa trabaho ng mga dumidinig sa mga asunto sa bansa. Kasama rin sa listahan ng pagkakamali umano ng DBM ang “zero allocation for capital outlay" sa mga State Universities and Colleges. Gayundin ang "zero allocation" sa barangay at sitio electrification program ng National Electrification Administration. Idinagdag ni Lagman na hindi rin sapat ang pondong inilaan ng DBM sa support services sa mga benipisaryo ng agrarian reform na paglabag umano sa Republic Act No. 9700 o ang extension ng Comprehensive Agrarian Reform Law. “Since the Constitution prohibits the Congress from increasing the totality of the President’s budget submission of P1.6 billion, the possible solution is for the President to increase the expenditure ceiling through a supplemental NEP," payo ni Lagman. “This may require the Executive to increase the projected deficit which is not sacrosanct and/or look for additional revenues and sources of financing which should be flexible and not cast in stone," idinagdag niya. - GMANews.TV