Filtered By: Topstories
News

Babala ni Jinggoy: Kriminal baka dumami kapag binura ang jueteng


MANILA – Nagbabala si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada nitong Miyerkules na baka tumaas ang bilang ng krimen sa bansa kapag binura ang ilegal na sugal na jueteng nang walang ibinibigay na alternatibong trabaho ang pamahalaang Aquino. Ang pahayag ay ginawa ni Estrada kasabay ng pag-usisa kay Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno kung ano ang alternatibong hanapbuhay na maaaring ibigay ng pamahalaang Aquino sa lahat ng mga manggagawa na nakikinabang ngayon sa jueteng. Ayon sa senador, dapat maglatag muna ang pamahalaan ng mahusay na programa na kapapalooban ng alternatibong trabaho sa mga nakikinabang sa jueteng tulad ng mga kubrador bago paigtingin ang kampanya sa pagsugpo sa naturang illegal number game. “Iyon lang ang pinagkakakitaan nila. Kung walang alternatibong hanapbuhay, mas dumami ang problema ng pamahalaan dahil baka maging kriminal ang mga iyan, magnakaw, mang-hostage, sumanib sa sindikato ng droga o kriminal," pangamba ni Estrada. Una rito, inihayag ni Puno na bubuo ang pamahalaan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng programa laban sa jueteng na kapapalooban din ng alternatibong hanapbuhay sa maapektuhang mamamayan. Gayunman, walang malinaw na detalyeng ibinigay si Puno tungkol sa ilalaang alternatibong trabaho kasunod ng muling pag-init ng usapin sa jueteng payola na natatanggap umano ng ilang opisyal ni Aquino. Para kay Estrada, panahon na para gawing legal ang jueteng na magpapasok ng dagdag na pondo sa gobyerno at magbibigay ng lehitimong trabaho sa mga nakikinabang sa jueteng tulad ng mga kubrador. “Sa pagtataya noon ni dating Pagcor Chairman Alice Reyes, aabot sa P2 bilyong ang kikitain ng pamahalaan kapag naisalegal ang jueteng. Bukod dito, mabibigyan ng dignidad ang hanapbuhay ng mga kubrador at mapupunta sa pamahalaan ang kikitain dito," paliwanag ng mambabatas. Kamakailan ay isiniwalat ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na may mga malalapit na opisyal si Aquino na tumatanggap jueteng payola bawat buwan na aabot sa P2 milyon. Ngunit tumanggi si Cruz na tukuyin ang mga opisyal at iginiit na dapat pakilusin ni Aquino ang intelligence community nito para makilala ang mga tauhan na patuloy na kumikita sa jueteng money. (Basahin: Imbestigasyon sa jueteng payola pwedeng simulan kay Usec Puno, ayon kay Cruz) Inihayag naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na panahon na upang magkaroon ng batas na magpapataw ng parusa sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na hindi magsisiwalat o magsusumbong sa tangka sa kanyang panunuhol kapalit ng pabor sa pamahalaan. “Ngayon, dapat magkaroon ng susundin na panuntunan ang Office of the President na kapag may nagtangkang manuhol sa kanila, ano ang dapat nitong gagawin. Hindi iyong, sasabihin lamang kung kailan umiinit ang isyu, o naiipit sa isang imbestigasyon o pagdinig sa Senado," paliwanag ni Cayetano. Kasunod ng pagbubunyag ni Cruz, inamin naman ni Puno na may mga tao na kumausap sa kanya at nagpapatulong kay Aquino kaugnay sa operasyon ng jueteng. Ngunit tulad ni Cruz, tumanggi si Puno na sabihin kung sino ang mga tao na lumapit sa kanya para sa operasyon ng jueteng. Pero iginiit ng opisyal na wala siyang tinatanggap na jueteng payola. - GMANews.TV