Filtered By: Topstories
News

Hinihinalang ina ng binansagang ‘Gulf Air’ baby, natunton sa Apayao


MANILA – Nasa pangangalaga na ng National Bureau of Investigation ang isang babae na hinihinalang ina ng bagong silang na sanggol na lalaki na iniwan sa banyo ng isang eroplano noong nakaraang linggo. Hindi muna pinangalanan ang babae na natunton ng mga tauhan ng NBI sa lalawigan ng Apayao, ayon kay NBI director Magtanggol Gatdula nitong Maiyerkules. "It is confirmed that our regional office has picked her in Apayao. She was convinced by her sibling to go with them to [the] NBI main office for interrogation," pahayag ni Gatdula sa panayam ng media. Sa sandaling makumpirma na ang babae ang ina ng inabandonang sanggol sa Gulf Air flight 154, sinabi ni Gatdula na dadalhin ito sa NBI main office sa Maynila para ituloy ang imbestigasyon. Idinagdag ng pinuno ng NBI na kakapanayamin at isasalang psychiatric evaluation ang babae sa Apayao. (Basahin: DSWD chief: 'Gulf Air' baby may be up for adoption) Nananatili sa pangangalaga ng mga social worker at patuloy naman na bumubuti ang kalagayan ng sanggol na pinangalanang George Francis. Nakita ang paslit na nakasilid sa plastik sa loob ng eroplano paglapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Bahrain noong Linggo. Lumilitaw na ang babae sa Apayao ang nakapuwesto sa upuan ng eroplano kung saan nakita ang mga bakas ng dugo. Ayon kay Gatdula, ang nag-abandonang ina ay maaaring kasuhan ng child abandonment sa ilalim ng Article 276 ng Revised Penal Code, kung saan may karampatang parusa na pagkabilanggo ng hanggang anim na buwan. - GMANews.TV