Filtered By: Topstories
News

MMDA: Nagmamaneho ng sasakyan sa gabi dapat limitahan sa alak


MANILA – Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na limitahan sa pag-inom ng alak ang mga nagmamaneho ng sasakyan sa gabi dahil na rin sa dumaraming aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga lasing na drayber. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na pabor siya na magkaroon ng ordinansa na maglilimita sa pagbente ng mga nakalalasing na inumin sa mga tao na nagmamaneho sa gabi. "For our anti-drunk driving campaign to succeed, we have to attack the source - those bars, nightclubs and restaurants that seem to have all the freedom in the world selling liquors," paliwanag ni Telentino. "Maybe it's about time the government should have some kind of control over these business establishments," idinagdag ng opisyal. Sinabi ni Tolentino na ilalabas niya ang naturang mungkahi sa gagawing pulong ng Metro Manila Council (MMC) bilang bahagi ng programa sa road safety. Kailangan umanong makuha ang pagsang-ayon ng mga alkalde dahil sila ang magpapasa ng ordinansa at magpapatupad sa kani-kanilang nasasakupan. "Other countries have stricter laws against drunk driving and have adopted stringent measures such as on-the-spot breath analysis," ayon sa MMDA chairman. Iginiit niya na karamihan sa mga drayber na nahuhuling lumalabag sa batas trapiko at nasasangkot sa aksidente ay mga lasing at galing sa inuman tulad ng mga bars at nightclub. Pinuna niya na napapalakas ang konsumo ng alak ng mga parokyano sa mga inuman dahil na rin sa mga "beer promo" kung saan nag-aalok ang mga establisimyento ng mas murang bayarin sa nakalalasing na inumin. "Those beer bucket promos lure customers to drink more and once they are into it, they forget that they still have to drive home," pahayag ni Tolentino. - GMANews.TV