Filtered By: Topstories
News

JPE: Noynoy pwedeng ma-impeach kung aabusuhin ang appointing powers


MANILA – Nagbabala si Senate President Juan Ponce Enrile na posibleng sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Kongreso kapag inabuso nito ang kapangyarihan sa pagtatalaga ng mga opisyal sa gobyerno. "If the President abuses his prerogative, the only recourse of Congress is to file an impeachment proceeding against the President," pahayag ni Enrile sa panayam ng media nitong Miyerkules. Ang pahayag ay ginawa ni Enrile matapos malaman na hindi ipasasalang ni Aquino sa Commission on Appointments (CA) sina Secretaries Jesse Robredo (Interior and Local Government), Ramon Paje (Environment and Natural Resources) at Rosalinda Baldoz (Labor and Employment), dahil “ad interim" (acting capacity) lamang ang paghirang sa mga ito. Ayon kay Enrile, pinuno ng CA, walang hurisdiksiyon ang komisyon sa mga tinatawag na “acting secretaries," -- na pinagdududahan ni Senate Minority leader Sen Alan Peter Cayetano kung balido ang naturang posisyon. Aminado naman ang lider ng Senado na wala silang kapangyarihan na atasan si Aquino na ipasalang sa CA ang mga opisyal na itinalaga nito bilang acting secretaries. "I went through that, I was targeted by several senators in the past not to be confirmed so the President reappointed me ad-interim for several times," paliwanag niya. Ngunit sa sitwasyon ni Enrile, ilang beses muna siyang isinalang sa CA taliwas sa sitwasyon ngayon nina Robredo, Paje at Baldoz na sadyang iniiwas ni Aquino. Gayunman, ipinaalala ni Enrile na hindi dapat abusuhin ni Aquino ang naturang kapangyarihan sa pagtatalaga dahil maaari itong gamitin isyung politikal sa kanyang pamamahala. Hiniling naman ni Cayetano, kasapi ng CA, na pag-aralan ng committee on rules ang legalidad sa pagtatalaga ng mga acting secretary kung mayroon ganitong posisyon sa gobyerno. Naniniwala si Cayetano na lehitimong kalihim ang kapasidad ng isang acting secretary dahil itinalaga sila ng pangulo at nakasalalay sa kanya ang termino ng mga ito. Paliwanag pa ng senador, kung acting capacity lamang ang posisyon ng namumuno sa isang departamento, dapat ang ranggong mamahala dito ay undersecretary o assistant secretary. "This can lead to abuse, na pwedeng paikutan ang CA," babala ng senador kung papayagang makalusot si Aquino na hindi maisalang sa komisyon ang tatlong kalihim. Ang CA ay pinamumunuan ng Senate president at kinabibilangan ng 12 senador at 12 kongresista bilang miyembro. - GMANews.TV