Filtered By: Topstories
News

Opisyal ni Aquino na tumatanggap ng jueteng payola isisiwalat


MANILA – Nakahanda si dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na isiwalat sa Kamara de Representantes ang mga nalalaman nito sa jueteng kasama na ang mga malalapit na opisyal ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na tumatanggap umano ng payola mula sa ilegal na sugal. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni Cruz kay Davao City Rep. Karlo Alexie Nograles, na ang gagawin niyang pagdalo sa pagdinig ng Kamara ang magiging huli niyang pagsasalita tungkol sa naturang usapin. “Sabihin mo sa kanila pupunta ako dun na mag-isa, walang abogado, walang witnesses, walang bodyguard at sasabihin ko lahat ang aking mga nalalaman," pahayag ni Cruz kay Nograles na kapwa bisita sa nasabing forum. “Kaya lang eto na ang huli na ako'y magsasalita tungkol dito kung wala din namang mangyayari," idinagdag ng dating arsobispo. (Basahin: Imbestigasyon sa jueteng payola pwedeng simulan kay Usec Puno, ayon kay Cruz) Muling uminit ang usapin ng jueteng operation sa bansa matapos akusahan ni Cruz na dalawa hanggang limang opisyal umano ni Aquino ang tumatanggap ng payola sa naturang uri ng sugal. Ibinigay ni Cruz ang katiyakan na dadalo sa pagdinig ng kapulungan dahil na rin sa ilang alegasyon na walang katotohanan ang mga alegasyon ng dating arsobispo. Gayunman, iginiit ni Cruz na isisiwalat niya ang mga nalalaman sa jueteng sa isang executive session o close-door meeting. Ikinatuwa naman ni Nograles ang pagbabago ng isip ni Cruz na dumalo sa pagdinig, kasabay ng paninindigan nito na hindi dapat gawing legal ang jueteng. “I'm very happy that Bishop Cruz has declared that he has accepted the invitation of the House of Representatives on its inquiry into the Bishop's allegations of corruption on jueteng. Since he was the one who claims to have information on the alleged jueteng protectors, I'm happy he has agreed to name names even if only in executive session during the congressional inquiry, “ ayon sa kongresista. “Legalizing jueteng will not solve the proliferation of illegal gambling because this will only give birth to illegal numbers game. No gambling lord in his right mind would agree to legalize his operations and share his profit to the government by way of taxes," idinagdag niya. Proteksiyon sa mga nagbubunyag Samantala, nanindigan ang iba pang whistleblower sa jueteng na hindi sisipot sa mga gagawing imbestigasyon kung hindi aaprubahan ng Kongreso ang mga batas na magbibigay sa kanila ng proteksiyon. "I want to see first the whistleblower’s act that’s being executed, then that’s the time that we will ask the would-be witnesses to come out," ayon kay Sandra Cam, na dating humarap sa pagdinig ng Senado tungkol sa jueteng operation sa bansa. Una rito, ipinangako ni Cam at iba pang miyembro ng Whistleblowers' Association na tutulong sa mga gagawing imbestigasyon ng Truth Commission kung isasailalim sila ng Department of Justice (DOJ) sa Witness Protection Program. Sa kabila nito, sinabi ni Cam na hanggang ngayon ay wala pa silang nakukuhang tugon mula sa DOJ. "We wrote already two letters to President Benigno Aquino, we went to DOJ, but they said our application is still under evalution, so when will they act?," ayon sa emosyunal na si Cam. "(They) ask us to show evidence, bring witnesses... then at the end of the day, who’s the one holding the empty bag? It’s us." Sa record ng Senate Legislative Bills and Index Service Department, tatlong panukalang batas tungkol sa proteksiyon ng mga whistleblower ang inihain nina Senators Manny Villar (SB1063), Francis Escudero (SB 2112), at Miriam Defensor-Santiago (SB 1883). Ginawang halimbawa ni Cam ang sinapit ng jueteng whistleblower na si Wilfredo "Boy" Mayor na pinagbabaril at napatay ng mga armadong lalaki na nakasakay sa motorsiklo sa Pasay noong Pebrero 28. - GMANews.TV