Filtered By: Topstories
News

Taga-media posibleng kasama sa mga kakasuhan sa hostage tragedy


MANILA – Posibleng irekomenda ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) ang pagsasampa ng kaso sa 10 personalidad – na kinabibilangan ng ilang opisyal at mamamahayag – dahil sa naging madugong wakas ng hostage crisis noong Agosto 23. Sa panayam ng media nitong Huwebes, ipinahiwatig ni Justice Secretary Leila de Lima, pinuno ng IIRC, na kabilang sa mga posibleng kasuhan ay mga miyembro ng media, at ilang opisyal ng pamahalaan na hindi bahagi ng Philippine National Police. Idinagdag ng kalihim na irerekomenda nila ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo, at disciplinary action laban sa tinatayang 10 tao na may pananagutan sa nabigong pagsagip sa mga hostage. Posible rin umanong irekomenda ng IIRC na magkaroon ng pananagutan si Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III, na inakusahang humingi ng P150,000 kaugnay sa kaso ng hostage-taker na si Rolando Mendoza. Nauna nang itinanggi ni Gonzalez ang naturang alegasyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kabilang si Mendoza at walong turista na mula sa Hong Kong sa mga nasawi sa halos 11-oras na hostage crisis na naganap sa Quirino grandstand sa Maynila noong Agosto 23. Ayon kay De Lima, kailangan muna nilang kumuha ng pahintulot mula kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III bago ihayag sa publiko ang detalye ng magiging rekomendasyon ng IIRC. Kasabay nito, sinabi ni De Lima na ang hawak na baril ni Mendoza ang nakapatay sa walong turista, batay na rin sa testimonya ng mga nakaligtas sa trahedya. "The accounts of the three survivors who were there are substantial enough... Even the autopsy reports from the Hong Kong authorities," paliwanag niya. Nitong nakaraang linggo, lumutang ang posibilidad na maaaring may mga hostage na nasawi dahil sa “friendly fire" o bala mula sa nagrespondeng pulis. - GMANews.TV