Filtered By: Topstories
News

Buhangin Na Ginto Sa Paningin


Ang bawat pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat ay manapay nakakikitaan ng mahusay at magandang kinabukasan, datapwat, hindi lahat ng ito ay nauuwi sa ninanais na hangarin at sa huli -- pighati, kabiguan o kamatayan ang kadalasan na kapalit sa huwad na ginto. Maraming panahon na ang nagdaan at hindi alintana sa atin ang kasaganahan ng mga taong nagpupunyagi sa kani-kanilang mga propesyon o talento -- higit ang kakayahan na kumilos at gumawa sa napasukang trabaho at kumpanya.


Ang pagkita ng salapi at makatuntong sa banyagang lupain ay ilan lamang sa kadahilanan upang magsumikap. Dito ipinamamalas ng ating mga kababayan ang kahusayan at pagmamahal sa ginagampanang tungkulin.
– Allan
Ang pagkita ng salapi at makatuntong sa banyagang lupain ay ilan lamang sa kadahilanan upang magsumikap. Dito ipinamamalas ng ating mga kababayan ang kahusayan at pagmamahal sa ginagampanang tungkulin upang sa gayon ay masuklian ng magandang kinabukasan ang kani-kanilang pamilya na umaasa na makaahon sa hirap. Marami sa atin o halos lahat ay nakararanas ng kahirapan, sa kabila ng mga programa ng pamahalaan upang maibangon ang naghihikahos na bansa -- pero naghihikahos nga ba? Oo, naghihikahos ang bayan dahil sa mga taong sukaban o ganid sa kapangyarihan at kabalintunaang pangako ng mga pulitikong pulpol. Sila na animo’y matatalino sa kanilang larangan upang linlangin ang taong bayan, ngunit ang pagtuturo ng daliri, paninisi at bangayan sa kung sino ang may sala sa mga kahirapang ito ay bumabansot sa adhikaing mabigyang lunas ang sakit na ito. Sakit na tayo mismo ang may gawa, sakit na alam natin ang solusyon ngunit nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, at animo’y lumpo upang kumilos. Walang malinis na tao at tao na walang talino. Ang mga nagbibigay parangal sa ating bayan ay pinagsisigawan at sa kalaunan ay nalilimutan. Kagaya ng mga tao na nakatuntong sa ibang lupain, at pinagmamalaki ng pamahalaan sa tuwing sasapit ang kapaskuhan – pagkatapos ano?

Pamilyang bigo, pamilyang umunlad -- marami ang naglalakbay sa kawalan, naglalakbay at umaasa ng bagong buhay, buhay na akala natin ay ginto sa paningin.
– Allan
Bagong taon, isa muling mahabang pakikibaka sa ibang bansa, na ang bawat araw ay katumbas ng isang taon na kalungkutan. Lungkot, ito ang malaking bahagi ng pagkabagot o pagkaliyo sa tumatakbong orasan ngunit sa halip na dibdibin ang bawat minuto ay nakagagawa naman ng mga bagay upang hindi mapansin ang oras. Lumilipas din naman at sabi ng karamihan ay hindi mo na din mamamalayan na naka-isang taon ka na pala at mapapangiti ka na lamang, subalit bakas parin ang pananabik sa lupang tinubuan. Sa isang banda, ang pananabik ng karamihan ay nauuwi sa hiwalayan. Sa dahilang nag-ibang bayan din ang kasabikan at sa pagpawi nito... ang iba pa nga ay sa dayuhan. Marami ang sumubok ngunit kakaunti ang nagtagumpay sa buhay. Kung marami man ang nagtagumpay, iyon ay sa salapi lamang at sa wala ng mapagpipilian kung kaya’t gayun na lamang ang sapalaran. Pamilyang bigo, pamilyang umunlad -- marami ang naglalakbay sa kawalan, naglalakbay at umaasa ng bagong buhay, buhay na akala natin ay ginto sa paningin. Kayamanan na kumikinang sa dako pa roon, tama! Ang lahat ay nagsisikap, patuloy na lumalaban at nananalig upang maging matatag ang pagal na katawan, puso at isipan. Subalit sa dako pa roon ay may huwad na ginto ng karangyaan, hindi ang usapin ng salapi ngunit ang usapin kung bakit patuloy ang paglayo sa mahal sa buhay. Ito ang mapait na katotohanan, katotohanan sa aking paglapag sa buhangin na ginto. - GMANews.TV Allan G. Maderazo ng Dubai Kamusta mga Kapuso! Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kuwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa mga kababayan namin saan mang dako ng mundo, saludo po kami sa inyo. Mabuhay kayo mga masigasig naming Kapuso sa abroad!