Filtered By: Topstories
News

Malapit kay PNoy: Estado ng relasyon nina Noynoy at Shalani isiniwalat


MANILA – Isang opisyal sa Malacanang ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa tunay na estado ng relasyon nina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, at nobya nitong si Valenzuela Councilor Shalani Soledad kasunod ng panibagong mga espekulasyon na hiwalay na ang dalawa. Sa text message nitong Huwebes sa GMANews.TV ng isang opisyal sa Malacanang na malapit kay Aquino, sinabi nito na walang katotohanan ang mga naglalabasang ulat na hiwalay na sina Aquino at Soledad. “Not true (na hiwalay na sina Noynoy at Shalani). They are still on, although both are busy," ayon sa opisyal na tumangging pabanggit ang pangalan dahil hindi siya awtorisadong magsalita tungkol sa usapin. Nilinaw din ng source na hindi ugali ni Aquino na magbahagi ng impormasyon sa iba tungkol sa personal nitong buhay. Una rito, hindi itinanggi at hindi rin kinumpirma ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, ang pinakabagong ulat na hiwalay na sina Aquino at Soledad dahil hindi na nakikitang magkasama ang dalawa sa mga aktibidad. Gayunman, sinabi ni Lacierda na aalamin niya ang kuwento sa mga tauhan na madalas kasama ni Aquino. “I would have to confirm with the appointment secretary dahil hindi ako same building with the President. If you ask me, I haven’t seen her yet. But we are not in the same building. That would depend on the appointment secretary, hindi ko alam ang schedule ni Presidente buong araw," ayon sa tagapagsalita. Huling nakitang magkasama sina Aquino at Soledad sa isang Misa para sa paggunita ng kamatayan ni dating pangulong Corazon Aquino noong Agosto 1. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nagpadala rin ng text message sa media si Soledad para itanggi ang istorya na hiwalay na sila ni Aquino na lumabas sa entertainment blog site na Mr. Blind Item. "The Filipino people will not see a presidential wedding in the next six years according to very reliable sources in Malacañang Palace," bahagi ng nakasulat sa blog na Mr. Blind Item. Tulad ng ibang Pilipino, sinabi ni Lacierda na interesado rin siyang malaman ang love life ng pangulo ngunit naniniwala siya na hindi ito “of national importance," kaya hindi na siya nag-uusisa. . “Alam nyo po hindi kami nag-uusap tungkol diyan. Hindi po iyan matter of national importance. Kapag hindi mahalaga iyan para sa bayan, hindi ko tinatanong sa Pangulo… Damang-dama ko ang inyong curiosity, pareho tayong lahat," pahayag niya. Sakaling totoo man ang balitang hiwalayan, tiniyak ni Lacierda na hindi ito makaaapekto sa pagtupad ni Aquino sa kanyang trabaho bilang lider ng bansa. “We have always discussed matters of state. His demeanor has never changed. He is always level-headed. I don't know where that question is coming from. Maayos po ang kanyang disposition. Hindi ko po alam ang kanyang pribadong estado kaya hanggang dun lang ang aking masasabi," pagtiyak niya. - FRJ, GMANews.TV