Filtered By: Topstories
News

Noynoy hiniling na proteksiyunan si ex-Archbishop Cruz


MANILA – Ipinagdadasal ng isang obispo sa Sorsogon ang kaligtasan ni dating Lingayen-Dagupan archbishop Oscar Cruz dahil maaari umano itong ipapatay ng mga taong nasasagasaan sa ginagawang pagbubunyag sa ilegal na sugal na jueteng. Sa panayam ng Veritas Radio nitong Biyernes, nanawagan si Sorsogon Bishop Arturo Bastes, kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na protektahan si Cruz dahil maaari itong maging biktima ng asasinasyon. Sinabi ni Bastes, na hindi maiiwasan na maraming tao – maging ang mga nakaupo sa mataas na posisyon – ang nagagalit kay Cruz dahil sa pagbubunyag nito tungkol sa operasyon ng jueteng at jueteng payola. “I hope PNoy will give him (Cruz) protection, he’s life may loss," ayon sa obispo, kasabay ng pahayag na nakakatanggap ng mga banta sa buhay ang dating arsobispo. (Basahin: Opisyal ni Aquino na tumatanggap ng jueteng payola isisiwalat) Matatandaan na noong Pebrero ay binaril at napatay ng mga armadong lalaki na sakay ng motorsiklo sa Pasay si Wilfredo Mayor, isa ring sa mga nagbunyag sa operasyon ng jueteng nang humarap ito sa pagdinig ng Senado. Nitong Huwebes ay nagpahayag si Cruz na nakahanda na siyang dumalo sa pagdinig ng Kongreso sa isang executive session para isiwalat ang mga nalalaman sa jueteng, maging ang mga opisyal ni Aquino na tumatanggap umano ng jueteng payola. Ayon pa kay Bastes, isa lamang siya sa maraming alagad ng Simbahang Katoliko na labis na humahanga sa katapangan ni Cruz sa pagbubunyag ng mga nalalaman na hindi magandang nagaganap sa pamahalaan. “I pray for his safety because he is brave to expose that especially highest people in the government. I admire him very much for that," pahayag ng obispo. Aminado rin si Bastes na laganap din ang jueteng sa kanyang nasasakupan, at wala umanong ginagawa ang lokal na pamahalaan para matigil ito. Nagpahayag din ng pagtutol ang Obispo sa mga mungkahi na gawing legal ang jueteng na tinawag niyang sakit ng kultura na nagbibigay ng maling pag-asa sa mga mahihirap. “Don’t legalized a vice, it will become worst. They legalized STL (small town lottery), that’s why it becoming worst…We will continue to preach against it because of the bad effects to the people," pahayag niya. - MP,GMANews.TV