Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin issues statement about wedding ceremony with Mariel


Nagbigay ng pahayag si Robin Padilla sa PEP (Philippine Entertainment Portal), kaugnay sa pagpapakasal nila ni Mariel Rodriguez sa Baguio City noong Lunes (September 13). Sa ulat na lumabas sa PEP na isinulat ni Erwin Santiago nitong Biyernes, sinabing minabuti nilang kumpirmahin at linawin sa taong involve sa nangyaring kasalan – na hindi lang isa, kundi dalawang ulit ginanap. (Basahin: PEP: Robin Padilla and Mariel Rodriguez get married in Baguio City) Ang kasal ay sinasabing ginawa sa ilalim ng Ibaloi ceremony na pinangasiwaan ng isang Ibaloi priest. Pagkaraan nito ay muling ikinasal ang dalawa na pinamahalaan naman ng isang pastor. Ipinaliwanag umano ng Ibaloi priest o mambunong na si Jimmy Ong, na ninais ni Robin na ikasal sila ni Mariel sa Ibaloi ceremony dahil Igorot ang ina ng aktor na si Eva Cariño-Padilla. Ngunit may ilang nagulat sa naging uri ng kasal na isinagawa sa seremonya ng Ibaloi at Kristiyano, dahil batid ng marami na lumipat ng Muslim religion si Robin. Taliwas din umano sa paniniwala ng Islam ang pagkatay ng baboy at pagpapahid ng dugo nito sa mga mukha nina Robin at Mariel sa seremonya ng Ibaloi wedding. Upang linawin ang usapin sa nangyaring seremonya, humingi ng pahayag mula mismo kay Robin ang PEP. Sa isang text message - sa pamamagitan ng kanyang manager na si Betchay Vidanes – nagbigay ng paglilinaw ang action star. Narito ang pahayag ni Robin: "Ang mga naganap sa lupa ng mga Cariño sa Baguio ay isa lamang sa mga nagaganap na yugto sa aming pag-ibig at sa nalapit na programa sa ABS-CBN. "Walang dapat ipangamba ang mga kapatiran, kababayan at katribo sapagkat ang pagsunod namin ay sa Islam, ang pagpupugay namin ay sa Kristiyanismo, at ang pakikiisa namin ay sa kultura at tradisyong Pilipino." – GMANews.TV