Filtered By: Topstories
News

Gastos ni Noynoy sa 6-days US trip, aabot sa P25M


MANILA – Inihayag ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. na aabot sa P25 milyon ang gagastusin sa anim na araw na official trip ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa United States sa susunod na linggo. Sa kabila nito, nilinaw ni Ochoa na mas maliit pa rin ang naturang halaga kung ikukumpara sa limang araw na biyahe ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2009 sa US na umabot sa P69 milyon. Kung umabot sa 107-katao ang delegasyon ni Arroyo, sinabi ni Ochoa na kakaunti lamang ang sasama sa grupo ni Aquino bilang bahagi ng ginawa nitong pagtitipid. Naging kontrobersiyal ang biyahe ni Arroyo sa US matapos lumabas ang mga ulat na kumain ang kanyang grupo sa mamahaling Le Cirque restaurant sa New York at Bobby Van’s Steakhouse sa Washington DC kung saan tinatayang umabot umano sa P1 milyon ang halaga ng mga nakain. Ayon kay Ochoa, lilipad si Aquino patungong US sakay ng commercial airplane taliwas sa ginawa noon ni Arroyo na gumamit ng chartered plane. Tutuloy ang pangulo sa Sofitel hotel sa New York at hindi rin sa mamahaling hotel na tinuluyan ni Arroyo na Waldorf-Astoria Hotel. (Basahin: 6 day trip: Grupo ni Arroyo gumastos daw ng P37M sa US) Kabilang sa mga aktibidad na dadaluhan ni Aquino sa US ay ang pirmahan ng $434 milyong grant sa Millennium Challenge Corporation, at pulong kasama ang opisyal ng Philippine Development Foundation. Makikipag-ugnayan din ang pangulo sa mga Filipino community sa San Francisco. Una rito, sinabi ni Aquino na hindi pa tiyak kung makakapag-usap sila ni US President Barack Obama sa naturang biyahe. – GMANews.TV