Filtered By: Topstories
News

Guro patay sa saksak ng 14-anyos na estudyante


MANILA – Isang babaeng guro ang hindi na umabot ng buhay sa ospital sa Caloocan matapos umanong saksakin ng sariling estudyante na sinita niya dahil sa mahabang buhok. Sa primetime news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing tinakot ni Teodora Soner, guro sa Manuel Luis Quezon High School sa Caloocan, ang 14-anyos na suspek na paaalisin sa klase kung hindi pagugupitan ang mahabang mahaba. Ayon sa ulat ni GMA News reporter Bernadette Reyes, sinabing dakong 5:30 am nitong Biyernes, ay inabangan ng binatilyo (hindi pinangalanan dahil minor-de-edad) si Soner na nakasakay sa motorsiklo sa Tala, Caloocan. Nang makita ang biktima, inundayan umano ito ng saksak sa likod gamit ang isang kutsilyo na tinatayang anim na pulgada ang haba.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Isinugod ng mga nakakita sa krimen si Soner sa Tala Hospital pero idineklara siyang dead-on-arrival. “Isa lang po at the back pero fatal po siya. Kasi ‘yung knife po, almost six inches," pahayag ni Police Chief Inspector Moner Orang ng Police Sub-Station 4 sa Caloocan, sa hiwalay na panayam. Napag-alaman sa ulat na nagtanong pa ang suspek sa kanyang class adviser na si Normina Buenaobra, nitong Huwebes kung maaalis siya sa eskuwelahan dahil sa kanyang mahabang buhok. “Hindi naman po totoo na ida-drop siya. Panakot lang sa kanya [suspek] kasi matagal na siyang sinisita sa buhok niya," ayon kay Buenaobra. Hindi naman makapaniwala ang ina ng suspek na magagawa ng kanyang anak ang krimen na inilarawan niyang tahimik. Sinabi naman ni Education Secretary Bro. Armin Luistro na plano niyang bisitahin ang binatilyo para sa counseling. “Mayroon tayong early detection signs kung ‘yung galit, sumosobra na. It’s more of the early detection of the personality," ayon sa opisyal. Dahil minor-de-edad, ibibigay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang suspek habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon. - GMANews.TV