Filtered By: Topstories
News

Muling pag-urong sa special poll sa Bulacan ikinadismaya


MALOLOS CITY— Nagpahayag ng pagkadismaya si dating Bulacan Governor Roberto Pagdanganan sa muling pag-urong ng Commission on Elections (Comelec) sa araw ng isasagawang special elections sa unang distrito ng lalawigan. Sinabi ni Pagdanganan na ang ilang ulit ng pagpapaliban ng halalan ay paglabag sa karapatan ng mga residente sa distrito na magkaroon sila ng kinatawan sa Kamara de Representantes. “It violates the constitutional right of the people of the first district of Bulacan to be represented in Congress," pahayag ng dating gobernador matapos malaman na itinakda ng Comelec sa Nobyembre 13, 2010 ang bagong petsa ng halalan. Kabilang si Pagdanganan sa mga kandidato na naghain ng certificate of candidacy (COC) upang tumakbong kongresista sa nabanggit na ditrito. Inaasahan na makakatunggali ng dating gobernador ang dating kinatawan na si Marivic Alvarado. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Sabado, sinabi ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na pinal na ang Nob 13 bilang takdang araw ng halalan sa unang distrito ng Bulacan matapos hindi ito matuloy noong May 10 elections. Unang itinakda ang special elections noong Setyembre 12, ngunit iniurong sa Oktubre 2 hanggang sa itinakda sa Nobyembre 6, at ngayon ay Nobyembre 13. “It is now definite, its all systems go at wala ng roadblocks dahil naayos na lahat," pahayag ni Larrazabal sa dwIZ radio. Idinagdag ng opisyal na automated system ang gagamitin sa special elections, at hindi na kailangang mag-file ng certificate of candidacy ang mga kandidato na nakapaghain na noon. Samantala, wala pang campaign period na itinatakda ang Comelec para sa gagawing special elections. Gayunman, pinakiusapan ang mga pulitiko na hindi na tutuloy sa pagtakda sa special elections na ipaalam sa komisyon ang kanilang pag-atras upang hindi na maisama ang kanilang pangalan sa ipapa-imprentang balota. - GMANews.TV