Filtered By: Topstories
News

Hiling kay PNoy: Ideklarang 'mining free' ang Sibuyan island sa Romblon


Hiniling kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng mga lokal na opisyal sa isla ng Sibuyan sa Romblon na huwag payagan ang mining operation sa lugar upang maprotektahan ang kalikasan. Sa dalawang resolusyon na nilagdaan ng mga lokal na opisyal sa tatlong bayan sa Sibuyan, ipinahayag nila ang pagtutol na magsagawa ng metallic mining sa isla dahil maaapektuhan nito ang mayamang ecosystem sa lugar. Sa ulat na nakalagay sa news website ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines, lumagda sa Joint Resolution No. 1, ang mga lokal na opisyal sa mga bayan ng Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando, upang hilingan kay Aquino na ideklara ang Sibuyan Island na ligtas sa anumang “metallic mining" (maliban lamang sa pagmimina ng graba at buhangin." Ang Joint Resolution No. 2, ay para naman kay Environment Secretary Ramon Paje upang hilingin sa opisyal na pawalang-bisa ang mga mining permit na ipinalabas para sa pagmimina sa Sibuyan na binansagang “Galapagos of Asia," dahil sa likas na yaman nito. Sa Sibuyan matatagpuan ang Mt. Guiting-guiting Natural Park kung saan naninirahan ang tinatayang 123 species ng puno. Sa naturang bilang, 54 sa mga ito ay dito lamang sa Pilipinas makikita. “There are 700 vascular plant species, and 131 species of birds, and many mammals and rodents still yet to be catalogued," ayon sa nasabing ulat. Kamakailan ay nagtungo sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government ang mga lokal na opisyal ng Sibuyan upang hilingin na igalang ang kanilang pasya na maging malaya ang isla sa anumang mining activities. - GMANews.TV

Tags: mining, romblon