Filtered By: Topstories
News

OFW na naloko sa trabaho sa KSA, napilitang mamulot ng pagkain sa basurahan


JEDDAH – Sa halip na drayber tulad ng trabaho na kanyang inaplayan, pagiging basurero sa Saudi Arabia ang kinasadlakan ng isang overseas Filipino worker (OFW). Ang masaklap pa, hindi siya pinapasahod ng kumpanya na kanyang napasukan. Bunga ng kawalan ng pera dahil sa pag-ipit sa kanyang sahod mula nang dumating sa KSA nitong Mayo, inamin ng OFW na Jason Ortalla na napilitan na siyang mamulot ng tira-tirang pagkain sa mga basurahan. Ayon kay Jason, 34-anyos, Mayo nitong 2010 nang dumating siya sa Jeddah para sa inaplayan niyang trabaho na trailer driver na pinirmahan niya bago umalis ng Pilipinas. Ngunit nagulat umano siya nang utusan siyang maging taga-kolekta ng mga basura. Sa kagustuhang kumita para sa pamilya sa Pilipinas, tinanggap na rin ni Jason ang pagiging basurero. Subalit kahit dalawang buwan na ang nakalipas, hindi pa rin umano pinapasahod si Jason ng kumpanyang pinasukan. Sa kanyang pag-uusisa, saka lamang niya nalaman na may patakaran ang kumpanya na hindi nagpapasahod ng tatlong buwan. Pinakiusapan umano ni Jason ang manager na bigyan siya kahit pambili ng pagkain ngunit pinaasa lang siya sa mga pangako. Dahil sa gutom na nararanasan at kagustuhan manatili sa katinuan, sinabi nito na mamumulot siya ng mga tirang pagkain sa basurahan tulad ng mga prutas at dinadala niya sa kanyang tinutuluyan. Ang pamumulot umano ng pagkain sa basurahan ang naging dahilan para siya alipustahin ng mga katrabaho niya na ibang lahi. Nang hindi na matiis ang sitwasyon, tumakas si Jason at tumakbo sa konsulado para humingi ng tulong. Ngunit makalipas ng dalawang buwan ay wala pa ring nangyayari sa kanyang kaso. Ayon sa mga opisyales ng konsulado na tumangging pabanggit ang pangalan, naihain na ang kaso ni Jason sa Philippine Overseas Employment Administration. Nakipag-ugnayan na rin umano ang ahensya na agency na nagpaalis sa OFW. Ipinaliwanag naman ng kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na natatagalan ang pag-usad ng kaso ni Jason dahil pumasok ang buwan ng Ramadan at nagkaroon ng dalawang linggong bakasyon kaya hindi nila makontak ang employer nito. Panawagan kay PNoy Ayon kay Jason, nais na niyang makauwi ng Pilipinas kaya nanawagan siya kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na tuluyan siyang makabalik na sa bansa. “Hindi ko na po kaya dito. Kailangan ko na pong makauwi ng Pilipinas para muling makapagtrabaho at mabigyan ko magandang buhay ang aking pamilya," ayon kay Jason. Sinabi ng kinatawan ng OWWA na nakatakda silang makipagkita sa employer ni Jason sa susunod na linggong at umaasa sila na maayos na ang problema ng OFW. Idinagdag nila na hindi dapat na mapauwi ng Pilipinas si Jason sa pamamagitan ng deportation dahil mas magtatagal lamang siya sa loob. Sa tindi ng hirap, sinabi ni Jason na hindi niya makalilimutan ang naging karanasan sa Jeddah dahil dito lang niya naranasan ang kumain na galing sa basurahan. - Ronaldo Concha, GMANews.TV