Filtered By: Topstories
News

Mga opisyal na nakikinabang umano sa jueteng, tinukoy na ni Cruz


MANILA – Pinangalanan na sa pagdinig ng Senado ang mga opisyal na umano’y nakikinabang sa ilegal na sugal na jueteng. Kabilang sa listahan sina Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno at retired Philippine National Police (PNP) chief Jesus Verzosa. Ang listahan ay isinumite ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, sa Senate blue ribbon committee na pinamunuan ni Senador Teofisto Guingona III, nitong Martes. Noong una ay atubili pa si Cruz na isapubliko ang laman ng listahan ngunit pumayag din itong ipabasa kay Guingona matapos hikayatin siya ni Senate President Juan Ponce Enrile sa ngalan umano ng katotohanan. Nasa pagdinig din si Puno at kaagad na pinabulanan ang pagkakadawit niya sa jueteng. "Hindi naman tayo tumatanggap diyan, meron tayong ginagawa nga para matigil itong illegal numbers game na ito," pahayag ni Puno matapos ang pagdinig. Hinihinala ni Puno na may mga taong gumagawa ng kuwento laban sa kanya para mapigilan siya sa kanyang kampanya laban sa jueteng. Sa isang pahayag, pinabulaanan din ng kampo ni Verzosa ang alegasyon laban sa dating pinuno ng PNP. "The list provided by Bishop Cruz is not legal proof of accepting jueteng payola... This whole circus is a war between jueteng lords and STL (small town lottery) operators," ayon kay Atty Benjie delos Santos, tagapagsalita ni Verzosa. "Verzosa has presented a holistic solution to Interior Secretary Jesse Robredo as early as July 26 and in Congress last September 6 to finally stop jueteng and its derivatives," idinagdag niya. Bukod kina Puno at Verzosa, nakasaad sa listahan ni Cruz na nasa likod umano ng operasyon ng jueteng sina Baby Pineda (Goberandor) sa Pampanga; Paul Dy ng Isabela; Retired general Eugene Martin ng Baguio City; Mayor Mauricio Domogan ng Baguio City; Danny Soriano ng Cagayan; isang retired "General Padilla" na may operasyon sa Pasay, Paranaque, Muntinlupa, at San Pedro; Governor Amado Espino sa Pangasinan, at Boy Jalandoni ng Bacolod. Easy lang kay Puno Sa pagdinig, sinabi ni Cruz na minsan din na nagpahiwatig sa kanya ang negosyanteng si Tonyboy Cojuangco, pinsan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, nang magkausap sila na magdahan-dahan siya kay Puno. "Wala ako sinabi,’ di ako nangako na susundin ko siya," ayon sa dating arsobispo. Inamin naman ni Puno na magkaibigan sila ni Cojuangco pero matagal na umano silang hindi nagkakausap. "My knowledge on jueteng is based on the intelligence report of the Philippine National Police," ayon sa opisyal ng DILG. Sa kabila nito, dismayado pa rin ang mga miyembro ng komite sa tila pagtatago ni Puno ng mga detalye tungkol sa nalalaman nito sa operasyon ng illegal na sugal, partikular sa mga taong nais makipag-usap sa kanya tungkol sa jueteng. "We are very disappointed with the quality of your answers. You're hereby warned… under the rules of the Senate if one answers falsely or evasively you can be cited for contempt," ayon kay Guingona. Idinagdag naman ni Enrile na malalagay sa pagdududa ang kredibilidad ni Puno dahil sa pag-atubili nito na magbigay ng kanyang nalalaman. "For the sake of this country, be prepared and candid. Name names. Tell the people who these people are," ayon sa lider ng Senado. "Your word is just a plain word against his (Cruz), so we want you to convince us that you indeed did not receive money." Kasuhan ang mga mambabatas Sa Kamara de Representantes, hinamon ng Deputy Speaker Rep. Crispin Remulla (Cavite), si Cruz na kasuhan ang mga mambabatas na nakikinabang sa jueteng. “I hope they're able to name the names. That's unfair to cast a shadow on Congress because we do not control our own government and jueteng is more rooted in local government and the police," ayon sa kongresista. “That should be under the committee on ethics and privileges. If it is malfeasance and misfeasance, that lies with the ethics committee. But the committee on games and amusement can recommend to ethics who to investigate if they find out any raw information. I’m challenging Archbishop Cruz, knowing his good intentions to do it, to file the complaint," hamon niya. Kasabay nito, nanawagan si Davao City Rep. Karlo Nograles sa Kongreso na harangin ang anumang panukala na gawing legal ang jueteng sa bansa dahil sa katwiran na hindi ito kayang pigilin. “To legalize jueteng is tantamount to submitting our will to the jueteng lords," aniya. “Instead of surrendering our resolve to fight illegal gambling, the government should show greater commitment to stop jueteng once and for all because even our past experiences show that it can be done as long as the PNP leadership and local government executives in their respective areas of responsibility. The bottomline in this jueteng problem is enforcement." - GMANews.TV
Tags: jueteng, ricopuno