Filtered By: Topstories
News

Lacierda kay Joker: ‘Hindi kami student council'


MANILA – Binuweltahan ng Malacanang si Senador Joker Arroyo dahil sa paglarawan nito sa administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na tila pinapatakbo na parang “student council." Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, inisa-isa ni presidential spokesman Edwin Lacierda ang mga magagandang nagawa umano ng administrasyon sa loob ng mahigit 80-araw ng pamumuno ni Aquino. "If you speak about our success in the peso global bond float, if you speak about the confidence of the stock market, if you speak about the underspending right now, all these good news, certainly we would say we are performing well, that we're doing the best we can and so it does not appear like we are a student body running this country like a student council," pagmamalaki ni Lacierda. "Last time I checked, [we have no] sergeant-at-arms," pagtukoy ni Lacierda sa posisyon na hindi nawawala sa isang student council. Noong nakaraang lingo, nakamit ng Philippine Stock Exchange ang net foreign buying sa halagang P2.133 bilyon, upang maitala ang pinakamataas na pagsasara sa merkado na 3,972.60, na may value turnover ng P8.05 bilyon. Samantala, nitong linggo lang ay ipinaalam ni Finance Secretary Cesar Purisima ang P1.3-bilyong budget surplus, na ayon kay Lacierda ay bunga ng mahusay na pamamahala ni Aquino sa pagrepaso at pagtitipid sa mga gastusin. Bago nito, ibinato ni Arroyo ang sisi sa palpak umanong pamamalakad sa gobyerno sa kakulangan ng karanasan kaya nahaharap sa problema ang bansa tulad sa usapin ng 2011 national budget, at unang pagkakaloob sa China ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) report hostage tragedy kaysa mga Pilipino. Tinawanag ng senador ang isinumiteng budget ng Malacanang na "misaligned" at "lopsided" dahil mga maling prayoridad tulad ng pagtaas ng 123 percent sa pondo ng Department of Social Welfare and Development, habang binawasan naman ng isang porsiyento ang judiciary, na co-equal ng executive at legislative branches. Idinagdag ni Arroyo na mali rin ang nagrekomenda na unang ipaalam sa China ang laman ng IIRC report dahil may pananagutan din ang pamahalaan sa mga kababayan nito. "Alam mo kasi sa Malacañang, ang pagtakbo ng gobyerno ay parang student government. Nag-aral tayo ng college, ng high school. Iyan ang pagtakbo (ng gobyerno). Parang student government ang government of the Philippines," ayon sa mambabatas. Sa kabila nito, kaagad na ipinaalam ni Aquino ang laman ng ulat nitong Lunes at inilabas sa website ng Malacanang ang kopya ng IIRC report bago ito lumipad patungong US. - GMANews.TV