Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin Padilla reveals he married Mariel in India last Aug 19


Inamin na ni Robin Padilla na ikinasal na sila ni Mariel Rodriguez at naganap ito noong August 19, 2010, sa Taj Mahal sa Agra, India sa ilalim ng Muslim ceremony. Ang pag-amin ay ginawa nina Robin at Mariel sa isang panayam sa ANC nitong Martes ng gabi. Kasabay nito ay nilinaw nila na wala silang niloko o nilapastangan sa napaulat na kasalan sa Baguio City noong Sept. 13 sa ilalim naman Ibaloi rites. Kuwento ni Robin, inilahad na niya ang tungkol sa kasal nila ni Mariel dahil nakapiling na ng dati niyang asawa na si Liezl Sicangco sa Australia ang anak nilang si Ali. (Basahin: Mariel gets advice from Robin ex-wife Liezl) Nangyari ang kasal sa panahon ng ginugunita ng mga Muslim ang Ramadan, kung saan pinasunod ni Robin si Mariel sa India. “Magkakaroon din kami ng papel na sinasabi ng Imam na kami ay kinasal," ayon kay Robin. Ipinaliwanag din ng aktor na hindi naging “mabilisan" ang lahat sa kanila ni Mariel dahil dumaan din siya sa proseso ng panliligaw sa dalaga. Nang panahon na hindi niya alam kung papaano umano matatawagan ang TV host, may dalawang linggo siyang “nabaliw" sa Twitter sa pagsubaybay sa account ni Mariel dahil sa kagustuhan malaman ang nangyayari sa dalaga. Nang muli silang magkita ni Mariel sa isang proyekto, sinabi ni Robin na nilapitan niya ang TV host at sinabihan na kailangan na nilang mag-usap. Tinanong umano ni Robin si Mariel kung may nobyo na ito at nang sumagot na nalulungkot ito dahil kahihiwalay lang nila ng kasintahan (si Zanjoe Marudo) ay naging senyales na umano sa aktor na ligawan ang dalaga. “Sign na iyon para tumibok ang mga nalulungkot na puso," ayon kay Robin sa naturang exclusive interview, sabay amin na "nahuli" siya ni Mariel sa "patagilid nitong sulyap." Ayon sa aktor, maligaya sila ni Mariel at tinawag na “ginintuan ang kanilang pag-ibig" dahil hindi nila inisip kung ano ang mangyayari sa kanilang career sa ginawang pagpapakasal. Wala pa umano silang balak ni Mariel na bumalik ng Pilipinas kung hindi lamang niya kailangang asikasuhin ang usapin ng kostudiya ng kanilang anak na si Ali na nasa Australia na kasama ang inang si Liezl. Patuloy ni Robin, wala silang pinirmahang pre-nuptial agreement ni Mariel. Dahil isinailalim sa operasyon si Mariel nang alisin ang cyst sa ovary nito matapos ang kanilang kasal, sinabi ni Robin na hindi pa tapos ang honeymoon nila ng kanyang bagong misis. Sa naturang panayam din ng ANC, muling nilinaw ni Mariel na hindi sa kanila galing ang impormasyon at larawan na nagsasabing ikinasal nila ni Robin sa Ibaloi rites sa Baguio City noong Sept 13. Aniya, ang seremonya na naganap sa lupain ng pamilya ng ina ni Robin ay pagpapakita lamang ng pagtanggap sa kanya. - FRJimenez, GMANews.TV