Filtered By: Showbiz
Showbiz

Survivor Philippines: Magan votes out tribe leader Buhawi Meneses


Mula sa anim na miyembro, tatlo na lamang ang natira sa Magan tribe makaraang sumalang muli sila sa Tribal Council sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown sa ikatlong sunod na linggo nitong Biyernes. Sa isinagawang botohan sa Tribal Council na pinangunahan ng host na si Richard Gutierrez, nakakuha ng tatlong boto si Buhawi “The Tribe leader" Meneses para patalsikin na siya sa isla. Ang nalalabing miyembro ng tribu ay sina Socialite and model Solenn Heussaff, actor and host Mico Aytona, at track and field champ na si Elma Muros. Matapos ang botohan, ipinahiwatig ni Mico na nagkasundo silang tatlo na piliin si Buhawi dahil na rin sa paniwala ni Elma na mali ang naging desisyon ng kanilang lider na unang patalsikin sa isla si Doc Ferz "The Boss" Recio, host ng Born to Be Wild. Matatandaan na nagulat ang Magan Tribe sa Sept 10 episode ng Survivor Philippines, nang ihayag ni Richard na si Buhawi lang lang at hindi ang buong miyembro ang pipili ng patatalsikin sa isla. At nang basahin ni Richard ang isinulat ni Buhawi, inihayag nito ang pangalan ni Doc Ferz. Paniwala ni Elma, humina ang tribu sa endurance challenge na kadalasang ginagawa tuwing labanan sa immunity challenge nang mawala si Doc Ferz. Dahil tatlo na lang ang natira sa Magan, inihayag ni Richard ang pagbuwag sa tribu, at muling pagpili ng mga bagong miyembro at lider ng nalalabing dalawang tribu na Nagar at Sar Mayee. Bukod kina Buhawi at Doc Ferz, naunang napatalsik sa isla sina Starstruck V avenger Princess “Ang Pasaway" Snell, at Bubble Gang cast member na si Myka Flores. - Fidel R Jimenez, GMANews.TV
LOADING CONTENT