Filtered By: Showbiz
Showbiz

Michael V. complains of PAL treatment


Humingi ng paumahin ang Kapuso star na si Michael V sa mga pasahero ng Philippine Airlines (PAL) sa pagka-delay sa paglipad ng eroplano na sasakyan dapat nila ng kanyang pamilya patungong US para sa isang show ng Eat Bulaga. Na-delay ang lipad ng eroplano nang pababain si Bitoy (palayaw ni Michael V), at ang kanyang pamilya dahil sa pagkakaroon nila ng sore-eyes. “Paumanhin na rin sa mga na-delay sa flight at doon sa mga Kapuso at Dabarkads natin na naghihintay sana sa Anaheim (USA)," pahayag ni Bitoy sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Hanggang ngayon ay masama pa rin umano ang loob ng TV host-actor dahil sa hindi umano maayos na sistema sa PAL sa pag-asikaso sa kanilang sitwasyon. Kuwento ni Bitoy, bago pa man ang takdang araw ng kanilang flight ay pinaalalahanan na siya ng kanyang asawa na baka hindi sila “paliparin" ng airlines dahil sa pagkakaroon nila ng sore eyes. Nagkaroon ng sore eyes ang pamilya ni Bitoy dalawang linggo bago ang alis nila patungong USA.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Yung wife ko dati siyang flight stewardess, siya na nag-warning sa’ken na there’s a chance na baka hindi tayo mapalipad," ayon kay Bitoy. Kaya pagdating sa airport noong Sept 16, sinabi sa ulat na kaagad nagpatingin sila Bitoy sa quarantine doctor upang humingi ng abiso kung maaari silang bumiyahe. Binigyan naman daw ng go signal ng quarantine doctor ang pamilya ni Michael V kaya sumakay sila ng eroplano. Ngunit bago maka-take off ang eroplano, isa pang duktor ang umakyat at muli silang sinuri. “May ground crew na nag-alert sa pilot so nagkaroon ng second opinion, may umakyat na duktor at tiningnan kami. Sabi nga raw hindi nga kami puwede (lumipad), patuloy ni Bitoy na walang nagawa kundi ang bumaba ng eroplano. Paglilinaw ng aktor, walang problema sa kanila ang hindi payagang makalipad ngunit dapat sa simula pa lang ay sinabihan na sila para hindi na umakyat sa eroplano ang kanyang pamilya. Bukod pa rito, nakadagdag din umano sa sama ng kanyang loob ang narinig sa mga crew ng airlines na madalas mali ang abiso ng quarantine doctor. Naglagay din umano ng hindi magandang komento ang isang crew ng airlines sa isang social networking site tungkol sa nangyaring insidente. “Wala namang problema sa’men kung paliparin kami o hindi, ang ano ko lang sana maayos ang sistema kasi apparently galing sa kanila mismo… na palaging nangyayari (na mali ang abiso ng quarantine doctor), eh bakit? Sana ginawan nang aksiyon," hinanakit ni Bitoy. Sumulat na umano si Bitoy ng reklamo sa pamunuan ng PAL pero wala pa rin siyang natatanggap na sagot. Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng PAL na iimbestigahan nila ang naturang insidente. - Fidel R Jimenez, GMANews.TV