Filtered By: Showbiz
Showbiz

iGMA: ‘Magaling na ako magtago ngayon’ – Joey Marquez


Inihayag ng ace comedian na si Joey Marquez na masaya siya sa itinatakbo ng kanyang showbiz career at ng kanyang love life. Umamin na rin kaya siya finally kung sino ang kanyang special someone ngayon? Nakangiting humarap si Joey Marquez sa iGMA.tv in a recent press conference na ginanap sa GMA Network. Nagkasabay sa pag-ere ang dalawang shows ni Joey sa GMA, ang Kaya ng Powers at ang LoveBug: Say I Do, kaya naman masaya ang aktor sa takbo ng kanyang acting career. “Unang-una nagpapasalamat ako sa GMA kasi kahit minsan hindi naman nila ako pinabayaan. Kaya malaki ang tiwala ko eh. Ngayon parang tele-novela ito, siguro kailangan subukan hindi lang puro comedy di ba?," paunang pahayag ni Joey about his show LoveBug: Say I Do. Sa nasabing show, kasama niya si Lovi Poe at si Mark Anthony Fernandez. “First time ko si Mark nakasama. Actually as a director, na-direk ko na siya sa Regal dati, pero ‘yung makasama sa acting, ngayon pa lang." Nang itanong kung kamusta naman ang relationship niya with Mark’s mom at ex-partner niya na si Ms. Alma Moreno, sagot niya: “Sobra pa kami sa magkaibigan ni Ness ngayon. Mas maganda ‘yung relasyon namin dahil mas open kami sa isa’t isa tungkol sa mga bata." Dapat sana ay makakasama nila Joey at Mark si Ms. Alma sa LoveBug: Say I Do pero hindi ito natuloy. Sa halip ay ginampanan ni Ms. Carmi Martin ang papel na dapat sana ay kay Ness (nickname ni Ms Alma). At dahil in the mood magkwento si Tsong, sinubukan naming itanong kung bakit tila tahimik ang kanyang love life ngayon na hindi katulad ng kanyang mga nakaraang relasyon. “Oo naman, marunong na akong magtago ngayon. Dati kasi sagot ako ng sagot eh. Ngayon sabi ko, ‘pag tahimik pala, yung kahit may kasama ka, tahimik ka lang, mas masaya pala," sabi ni Tsong (Joey’s nickname sa showbiz). “Siguro ang point dun eh, mas maganda ang relasyon na hindi pinaguusapan ng mundo. Yung hindi nalalaman, kasi hindi naman pwedeng pakialaman ang isang bagay na hindi nila alam eh," dagdag niya. So, for the record, kamusta ang love life niya ngayon? “Masaya, tahimik, may minamahal...magaling na ako magtago ngayon, magaling na ako!," na sinasabayan pa ni Joey ng tawa. - Loretta G. Ramirez, iGMA.TV