Filtered By: Topstories
News

Nursing graduates sa call center na bumabagsak – DOLE


MANILA – Isiniwalat ng pinuno ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes na kabilang nursing sa mga kurso na nagkakaroon ng mismatch sa sektor ng paggawa. Sa pagdinig ng Senate committee on finance na pinamunuan ni Sen Franklin Drilon, inihayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz, na oversupply na ang nursing sa Pilipinas dahil mahina na ang demand nito sa abroad. Sa naturang pagdinig kung saan idinepensa ng Baldoz ang hinihing ng DOLE para sa 2011, sinabi ng kalihim na nagkakaroon na ng mismatch sa labor market dahil napupunta sa ibang industriya tulad ng call centers ang mga nagtapos ng nursing. “Talagang over-supply na tayo sa nursing. Signals has been sent here and abroad," ayon kay Baldoz, bagaman hindi ito nagbigay ng datos tungkol sa umano’y oversupply ng nurses. “Ito na ang mismatch na sinasabi natin…kinakalap ang mga nagsisipagtapos ng nursing, hindi na kanilang industriya kundi ng ibang sektor tulad ng call centers," idinagdag niya. Kabilang umano sa mga pangunahing kailangan ngayon sa sektor ng paggawa ay ang nagsipagtapos ng mechanical engineering at iba pang kasanayan tulad ng mga karpintero, welder, at technical support services at business process outsourcing (BPO). Sinabi ni Baldoz na kasalukuyan nilang binubuhay ang job mapping upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa sektor ng paggawa at mabigyan ng tamang abiso ang mga kabataan kung anong kurso ang magandang kunin at kasanayan na kailangan sa ekonomiya para sa susunod na lima hanggang 10 taon. “Nagkaroon ng massive consultation noong 2006 at 2008 hinggil sa human resources kaya’t nakatakda nang ipatupad ang job mapping upang makatulong sa labor industriya na kailangan ng ekonomiya," ayon kay Baldoz. Nito lamang Agosto, inihayag ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang pangalan ng 37,679 examinees na nakapaso sa Nurse Licensure Examination, kung saan ang nag-top ay estudyante mula sa Ateneo De Naga University (ADNU) sa Camarines Sur. Ang bilang ng mga nakapasa ay kumakatawan sa 41.4 percent ng 91,008 examinees sa ginawang pagsusulit noong July 3 at 4. Ang topnotcher ay kinilalang si Rayan Abogado Oliva ng ADNU, na nakakuha ng 86.8 percent marka ng pagsusulit. – GMANews.TV
Tags: nursing, labor