Filtered By: Topstories
News

Fixed salary sa mga drayber ng bus, konduktor inihain sa Kamara


MANILA – Inihain na sa Kamara de Representantes ang panukalang batas upang bigyan ng regular na sahod ang mga drayber ng bus at konduktor sa halip na ibatay sa “komisyon" ang kanilang iniuuwing kita. Ilang bus driver at konduktor ang sumama kina party-list Reps. Teddy Casiño (Bayan Muna) at Rafael Mariano (Anakpawis), sa Kamara para ihain nitong Martes ang House Bill 3370 o “Bus Drivers and Conductors Compensation Act" Naniniwala ang dalawang kongresista na makatutulong ang panukala para mabawasan ang trapiko sa lansangan at maging ang mga sakuna na kinasasangkutan ng mga bus. Sa ilalim ng HB 3370, obligado ang lahat ng may-ari at operator ng mga public utility bus (PUB) na bigyan ng regular na sahod at takdang oras ng biyahe sa bawat araw ang kanilang mga drayber at konduktor. Ipinaliwanag ng mga mambabatas na karaniwang nag-aapura, nakikipag-unahan, at humaharang sa kalye ang mga bus dahil sa kagustuhan ng mga drayber at konduktor na makapagsakay ng mas maraming pasahero upang kumita ng malaki at makakuha ng mas malaking komisyon. Nakasaad sa panukala na karaniwang ginagawa ng mga may-ari ng bus at operator na bigyan lamang ng komisyon na siyam porsiyento ng kabuuang kita sa pasada ang drayber, habang mas mababa naman (pitong porsiyento) ang nakukuha ng konduktor. “Drivers and conductors who do not meet the daily quota are deprived of the coveted bonus or worse, shoulder half the cost of fuel to be deducted from the gross collections thereby reducing their commissions," ayon sa panukala. Ngunit dahil sa kagustuhan na makakuha ng quota at makapag-uwi ng komisyon, sinabi ni Casiño, na may mga drayber na pinipilit na bumiyahe ng 16 hanggang 20 oras sa isang araw. Ang labis na pagod at puyad ang pinapaniwalang dahilan kaya nasasangkot sa sakuna ang mga ito. Batay sa impormasyong nakuha ng mga mambabatas, umaabot sa P900 ang kita ng isang drayber ng bus sa isang araw na biyahe na tumatagal ng hanggang 12-oras. Ngunit karaniwang nabibigyan lamang umano ng pagkakataon ang mga drayber na makapasada ng tatlong beses sa loob ng isang linggo. Sa HB 3370, nais ng mga mambabatas bigyan ng hindi bababa sa buwanang minimum wage ang drayber at konduktor ng PUB, at iba pang benepisyo na itinatakda sa Labor Code o maging sa kanilang in collective bargaining agreements (CBA). Dapat tumagal lang sa loob ng walong oras ang biyahe ng mga drayber at konduktor, at may isang oras na pahinga, para sa two-shift system sa loob ng isang araw. “With the assurance of fixed salaries on a regular basis, PUB drivers and conductors will no longer be pressured to compete or forced to work beyond humane working hours. These will help lessen the accidents and traffic problems involving buses," paniwala ni Casiño. Sa talaan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong 2008, umabot sa 4,325 ang mga aksidente na kinasangkutan umano ng bus sa Metro Manila o 13 aksidente sa loob ng isang araw. - GMANews.TV